Tila nagpapahiwatig ng malaking pagbabago sa kanilang Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines roster ang Aura PH matapos mag-post ang kanilang social media account ng mga misteryosong litrato nang walang konteksto.

Ano nga ba ang ibig sabihin ng mga post ng Aura PH?

Sinimulan ng organisasyong nagtapos sa ikatlong puwesto noong MPL-PH Season 7 ang serye ng mga litrato sa kanilang Facebook page noong Lunes, ika-lima ng Hulyo. Agad ito sinundan kinabukasan at hindi nagmintis buong linggo.

Iba’t-ibang hugis ang nilalaman ng bawat larawan: ang una ay tila radio waves o pulso, ang pangalawa ay mistulang alon, habang ang pangatlo naman ay ang watawat ng Pilipinas. Noong Huwebes, hugis balyena ang linyang kanilang inilathala, habang nagsasalubong na mga kurbadang linya naman ngayong Biyernes.

Aura PH team photo
Credit: AURA Philippines

Bago ang mga ito, nag-post din ang page noong ikalawa ng Hulyo ng litrato kasama ang mga bumubuo sa MLBB team nito. Pinasalamatan nila sa caption ang mga coach, manlalaro, admins, at fans na tila nagbabadya ng pamamaalam.

“We appreciate all the memories and experiences we all have shared together. You are no doubt the best set of people we are very thankful to have worked with,” sulat nila.

Samantala, dalawang koponang lumahok noong nakaraang season ang nagbitaw na sa kanilang roster. Nauna ang Execration noong nakaraang buwan at sumunod naman ang Omega Esports noong Biyernes.

Sa oras ng paglathala, hindi pa tukoy kung ano nga ba ang ibig-sabihin ng Aura PH sa likod ng mga misteryosong post.