Matapos ang apat na taon, nabiyayaan din ng bagong skin ang Grand Warden sa Land of Dawn. Tampok sa Mobile Legends: Bang Bang ngayon ang bagong Hylos skin na Iron Steed Hylos na patuloy na humuhuli sa kiliti ng mga fans.
Maaaring mukuha ang bagong Hylos skin sa Lucky Flip event ng MLBB.
Hitsura ng bagong Hylos skin na Iron Steed Hylos

Unang inanunsyo ang Iron Steed Hylos sa Youtube page ng Mobile Legends: Bang Bang, kung saan itinampok ang pinakaunang Epic skin ng tank hero sa laro.
Nagbagong-anyo ang Grand Warden na ngayon ay suot ang matikas niyang mechanical look na paniguradong gigimbal sa sinumang sasagasaan niya sa lane.
Kapana-panabik ang kaniyang mech armor na may ginto’t itim na paint job, kasama na ang kaniyang sibat na naglalabas ng bright gold na ningning na bida sa kumpletong redesign na ito.
Skill effects ng Iron Steed Hylos
Siguradong hindi mabibigo ang mga fans sa bagong Hylos skin dahil sa laki ng pagbabagong nakapaloob sa balat. Swabe ang bagong skill effects katulad na lamang ng gold glitch trail na lumalabas kapag ginawang aktibo ang Ring of Punishment skill ng hero.
Kung nasiyahan ka na dito, mas mangangatal ka sa bagong effects ng Glorious Pathway na mistulang gintong futuristic highway papunta sa kamatayan ng kalaban. Kung pagmamasdang maigi, ito rin ay hitsurang dash panels sa Mario Kart Racing franchise.
Hylos main ka man o mahilig lang sa futuristic skins, siguradong isa ang Iron Steed Hylos sa mga dapat mong makuha.