Mahigit 10 libong pagkakatambak sa gold lead ang binaliktad ng ONIC PH para mapagtagumpayan ang kanilang serye kontra BREN Esports sa unang sabak nila sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).
Tila natuldukan na ang mga pagdududang bumabalot sa kakayahan ng mga bagong miyembro ng koponan na makipagsabayan sa mga batikang manlalaro ng liga. Sa naturang tagumpay kasi, napatunayan ng ONIC PH na may taglay din silang husay hindi lang pagdating sa mechanical skills, kung hindi maging sa decision-making.
ONIC PH inagaw ang panalo sa BREN Esports, tagumpay sa unang serye sa MPL PH S10

Nagsimulang ang serye na dikit ang dalawang koponan pagdating sa kills, pero mahirap ipagkaila kung gaano kakontrolado ng ONIC PH ang mapa. Hindi kasi basta-basta makapag-engage ang BREN Esports dahil sa potensyal ng Diggie ni Frince Miguel “Super Frince” Ramirez.
Ang baguhang midlaner din ang kinilalang MVP ng naturang laban matapos makapagtala ng apat na kills at limang assists kontra isang death. Sinaluduhan din ng mga caster kung paano niya dinikta ang takbo ng laro maging ang pagiging offensive niya sa hero.

‘Di kasing bilis ang naging takbo ng ikalawang mapa ng serye, pero nagawang pigilan ng BREN Esports ang pangingibabaw ng ONIC PH. Nakabawi sila mula sa pagkaka-wiped out noong ikasiyam na minuto ng bakbakan matapos selyuhin ang dalawang huling Lord ng laban.
Kinilala naman bilang MVP sa unang pagkakataon ng kanyang karera ang rookie jungler na si Kyle Angelo “KyleTzy” Sayson. Bumakat sa ONIC PH ang mga sapak ng kanyang Paquito na nagtala ng game-high damage, kasabay ng tatlong kills at isang assist, kontra isang death.

Sinubukang sumandal ng ONIC PH sa midlane meta hero na si Faramis sa huling mapa ng laban, ngunit sinagot lang ito ng Valentina ni Angelo “Pheww” Arcangel. Hindi binitiwan ng BREN Esports ang naitala nilang kalamangan hangga’t sa mahuli sila ng Fatal Links ni Ralph “Rapidoot” Adrales nang subukan nilang tapusin ang laban. Nagsilbing mitsa ito para sa koponan na mabaliktad ang laban at itakbo ang serye sa iskor na 2-1.
Susubukang ituloy ng ONIC PH ang kanilang pagpapakilala kontra ECHO sa Linggo, ika-14 ng Agosto, sa ganap na ikawalo ng gabi. Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na YouTube at Facebook pages ng MPL Philippines.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: MPL PH Season 10: Storylines, schedule, resulta, format, at saan mapapanood