Marami ang nabigla nang ma-disqualify ang Bren Esports mula sa Mobile Legends: Bang Bang open qualifier ng World Cyber Games 2023 (WCG 2023) nang dahil sa isang maling player ID na isinumite ng team.

Naganap ang disqualification sa match ng Bren laban sa Indonesian team na Dewa United, kung saan nanalo ang mga players ng The Hive sa unang game ng series. Sa ikalawang game, tinawag ang atensyon ng team dahil sa mali umanong player ID ni Angelo “Pheww” Arcangel.

Dahil dito, nagpasya ang komite ng WCG na i-disqualify ang Bren mula sa tournament at ibigay ang panalo sa Indonesian team.

Coach Duckey dismayado sa disqualification ng Bren Esports sa WCG 2023

Bren Esports Coach Duckey WCG 2023
Credit: Duckeyyy

Nagpahayag ng mariing pagkadismaya ang Bren Esports Head Coach na si Francis “Duckey” Glindro ukol sa desisyong ipinataw ng WCG.

Sa kanyang Facebook page, ibinahagi ng SEA Games gold medalist coach ang mga detalye sa mga pangyayari sa tournament.

Ayon sa kanya, nagkamali ang kanyang team dahil hindi nila namalayan na kulang ng isang digit ang player ID ni Pheww. Gayunpaman, hindi raw ito sinasadya at hindi sapat na dahilan upang matanggal ang buong team mula sa tournament, lalo pa’t meron naman silang reserbang player na pwedeng pamalit sa kanilang mid laner.

Bren Esports Coach Duckey WCG 2023 discord
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

Sa opisyal na Discord channel ng WCG, nagpahayag ng pormal na protesta si Coach Duckey kontra sa hindi umanong makatarungang disqualification kung saan inilatag niya ang mga detalye ng pangyayari at sinabing walang nakasaad sa rulebook ang pagpataw ng complete disqualification sa ganitong klaseng scenario.

Sa kasalukuyan ay wala pang lumalabas na opisyal na sagot ang WCG patungkol dito.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.