Mga Pilipino muli ang namayagpag sa larangan ng Mobile Legends esports kasunod ng dominanteng tagumpay ng SIBOL MLBB sa grand finals ng 32nd Southeast Asian Games (SEAG) MLBB Event.

Hindi pinaporma ng mga Pinoy ang nakatapat na koponan mula Malaysia na winalis nila sa 3-0 sweep para bigyang-daan ang three-peat para sa bansa.


Sayson nagningning, SIBOL MLBB tagumpay sa gold medal match ng 32nd SEAG

Credit: Moonton

Malagkit ang opener sa pagitan ng dalawang grand finalists kung saan tumindig ang mga Malaysian sa muli’t-muling tangka ng mga Pinoy na mabasag ang kanilang base sa late game.

Gayunpaman, ipinakita nina Michael “KyleTzy” Sayson na determinado silang makalawit ang unang mapa matapos ipamalas ang henyong targeting at prioritization sa objectives para makuha ang team fight win sa ika-25 minuto sa paligid ng Lord objective.

Sa proseso ay napitas ng hanay ang tatlong miyembro ng Malaysian team na naghudyat para sa base push sa sumunod na mga sandali. Nagtala si Sayson ng halos perpektong 4/1/10 KDA sa kaniyang Fredrinn para hiranging MVP ng laro.

Screnshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Nanatiling mainit ang makinarya ng SIBOL MLBB sa game two sa pangunguna pa rin ni KyleTzy. Sa pagkakataon namang ito, Lancelot naman niya ang nagpamangha sa mapa pagkaraang maglabas-pasok sa team fights at kumuha ng objectives para ibigay ang game two panalo sa Pilipinas sa loob ng 21-minuto.

Pumukol ang Bren Esports jungler ng perpektong 3/0/7 KDA, 814 gold per minute at 62% kill participation para hirangin muling MVP ng laro.

Hawak ang 2-0 abante, hindi na lumingon pabalik ang SIBOL MLBB na sinagsaan ang Malaysia sa deciding game three para isarado ang serye. Magkakasamang lakas nina Sayson (6/07 KDA sa Helcurt), Rowgien “Owgwen” Unigo (2/1/11 KDA sa Atlas) at Marco “SUPER MARCO” Requitano (5/0/5 KDA sa Harith) ang sinandalan ng hanay para iligpit ang mga kalaban bago humantong sa 11-minute game time.

Credit: Moonton

Sa tagumpay, nakuha na ng Pilipinas ang ikatlo nitong sunod na gintong medalya sa international na patimpalak. Samantala, ito na ang ikalawang medalya para sa kapitan ng team na si Angelo “Pheww” Arcangel na unang pinangunahan ang pangkat sa 30th SEAG.

I-like at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines para sa iba pang balita ukol sa MLBB esports!

BASAHIN: SIBOL MLBB Women’s team sumungkit ng medalya sa 32nd SEA Games