Nagtapos sa ikalawang pwesto ang Mobile Legends: Bang Bang Women’s team ng SIBOL, ang opisyal na pambansang esports team ng Pilipinas, upang kunin ang silver medal sa 32nd Southeast Asian Games (32nd SEA Games).

Madugo at mahaba ang pinagdaanan ng ating national esports team sa grand finals ng tournament, kung saan nakasagupa nila ang Indonesia, na umabot nang limang games.

SIBOL MLBB Women’s team kontra Indonesia sa finals ng 32nd SEA Games

SIBOL MLBB Women's Team
Credit: Moonton

Sa unang game ay malinaw na nagdomina ang Indonesia, salamat sa mga set ng mahusay na Khufra ni Vivi “Vivian” Indrawaty. Natapos ang game sa score na 12-6, kung saan tinanghal na MVP si Cindy “Cinny” Siswanto gamit ang kanyang Eve na may 6/0/5 KDA at 92% kill participation.

Bumawi naman sa Game 2 ang SIBOL sa tulong ng mga matatalim na bitaw ng Dawning Light ng Xavier ni Rica Fatima “Amoree” Amores at mala-ninja na pagpitas ng Natalia ni Mery Christine “Meraaay” Vivero. Nakuha ni Kaye Maerylle “Keishi” Alpuerto ang pagiging MVP sa kanyang Lancelot na may 5/1/2 KDA at 64% kill participation.

Naging mala-Blacklist naman ang galawan ng mga Pinay sa ikatlong game nang kunin ni Vivero ang Estes upang magbigay ng matinding sustain sa kanyang team na nagbunga ng score na 15-2 upang kunin ang matchpoint. Muling hinirang na MVP si Alpuerto gamit ang kanyang Martis.

SIBOL MLBB Women's team Rica Amores
Credit: Moonton

Galit na galit na pumasok sa Game 4 ang Indonesia, partikular na kay Michelle “Chell” Siswanto na gumamit ng Beatrix. Tila nagmamadali ang Team Indo nang tapusin ang game sa loob ng 14 minuto sa score na 14-4, upang pwersahin ang ikalimang game ng best-of-five series.

Tuluyang sinemento ng Indonesia ang ginto sa Game 5, kung saan naging susi ng kanilang tagumpay ang napakagandang Lord dance sa 13-minute mark. Dito na nakuha ng Indo ang kalamangan upang distrongkahin ang depensa ng Pinas at tapusin ang series.

Ang silver medal ng women’s team ang pang-apat na medalya ng SIBOL para sa SEA Games ngayong taon.

Para sa iba pang balita at guides tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.