Bumawi ang Blacklist International mula sa napakabihirang back-to-back losses sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10) sa pamamagitan ng mabilis na pagwalis sa TNC.

Natamo ng reigning world champions sa unang pagkakataon ang dalawang sunod na talo sa panahon ng V33Wise duo noong nakaraang linggo. Pero ‘di hinayaan ng Agents na maging kabiguan lang ang mga ito at mabilis na natuto.

“Kada talo namin malaki ‘yung lesson na natututunan namin eh. And sa mga talo na ‘yun kaya kami lumalakas,” wika ni Blacklist International head coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza sa post-match interview.

“Kahit Season 7 nagsimula kami sa puro talo. Kung ‘di siguro namin naranasan ‘yung mga talo na ‘yun ‘di kami mag-i-improve. Same sa last week, kung ‘di siguro namin naranasan ‘yung dalawang talo na ‘yun, ‘di kami mag-i-improve sa kung ano kami ngayon,” dagdag niya.


Bumangon ang Blacklist International sa Week 4 Day 2

Blacklist International at TNC handshake
Credit: MPL Philippines

Hawak ng TNC ang kalamangan sa mga unang bahagi ng Game 1 matapos nilang kunin ang lahat ng Turtle. Subalit pagkatapos ng laning phase, nagsimula nang umandar ang signature “ultimate bonding experience” o UBE strategy ng Blacklist International na inangklahan ng V33Wise duo gamit ang Diggie kay Jonmar “OhMyV33nus” Villaluna at Barats kay Danerie James “Wise” Del Rosario.

Pagkabuhay ng Luminous Lord, pinitas nila OhMyV33nus ang kalabang Uranus at nilamon naman ni Wise sa pamamagitan ng Detona’s Welcome ultimate ang Balmond. Pinuksa pa ng Blacklist ang dalawa sa TNC bago rumekta sa pagpako ng panalo matapos ang 13 minuto. Hinirang na MVP si V33 na nagtala ng 12 assists at 92% kill participation.

Hindi umubra sa UBE ang cheese pick na Natalia at 3-assassin lineup ng TNC sa Game 2 at malinis na tinapos ng Blacklist ang pangwawalis sa pangunguna ng Lolita ni OhMyV33nus.

Pagkatapos idikta ang takbo ng laro at kuhanin ang Luminous Lord bilang panapos, binura ng Blacklist ang TNC sa kanilang base at nilista ang dominanteng 13-6 panalo sa loob ng 15 minuto.

Tumalon ang Blacklist International sa No. 4 dala ang 12 puntos habang nanatili naman sa ilalim ng 8-team standings ang TNC na may 4 puntos.

Haharapin ng Blacklist ang RSG PH sa pinakahuling serye ng Week 4. Samantala, sa susunod na linggo na ulit maglalaro ang TNC laban naman sa Nexplay EVOS.


Subaybayan ang mga pangyayari sa sa MPL PH Season 10 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.