Nabasag ng Blacklist International ang kanilang winning streak record mula sa nakaraang season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines.

Sinelyo ng undefeated na Blacklist ang kanilang ikawalong sunod na panalo sa MPL Philippines Season 8 matapos patikimin muli ng 2-0 sweep ang Echo Philippines at binura ang ginawa nilang milestone na seven-match undefeated run noong Season 7.

Hinigpitan lalo ng defending champions ang kanilang kapit sa top spot at lumapit sa playoffs matapos umangat sa 20 points.


Focused pa rin ang Blacklist International ayon kay DEX STAR

Credit: MPL Philippines/Screenshot ni Jeremiah Sevilla

Bagamat hindi pa rin nababahiran ang record ng Blacklist ngayong season, sinabi ni team veteran at analyst Dexter Louise “DEX STAR” Alaba na hindi ito dahilan para maging kampante sila.

“Masyado pang mahaba (ang season). Meron pang six remaining matches. Maximum points nun 18 pa ‘yun kung 2-0. So may chance pa rin makahabol ‘yung iba,” ani ni DEX STAR sa post-match interview.

“May chance pa rin kaming malaglag so hindi kami magpapakampante,” dagdag pa niya.


ESON sinabing hindi na napi-pressure ang Blacklist International

Credit: MPL Philippines/Screenshot ni Jeremiah Sevilla

Tiwala naman ang isa pang beterano na si Mark Jayson “ESON” Gerardo na mas lalong lumalakas ang loob ng koponan dahil sa tuloy-tuloy na panalo at ‘di sila nakakaramdam ng pressure dahil dito.

“‘Yung confidence kasi malaking factor pa rin talaga ‘yun. Pero ‘yung pressure tingin ko graduate na ‘yung team namin sa pressure. Basta lahat pinaghahandaan talaga bawat team na makakalaban,” sabi ni ESON, na inaabangan ng fans na mag-cast sa liga bukas.

At kahit na tila panibagong araw na lang sa opisina ang pagkuha ng panalo para sa mga bata ni coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza, binigyang diin ni ESON na “importante pa rin na hindi mawala ‘yung enjoyment sa bawat laro.”


Sundan ang mga kaganapan sa MPL Philippines Season 8 sa pamamagitan ng pag-follow sa ONE Eports Philippines Facebook page. Maaaring masaksihan ang mga laban sa opisyal na Facebook at YouTube channel ng liga.