Hindi maikakaila na malaking pasanin para sa Blacklist International ang madepensahan ang kanilang korona sa parating na Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines Season 8.
Matapos ang dramatiko nilang biyahe papunta sa MPL-PH S7 kampyonato, naka-antabay ang mga miron sa kung ano ang gagawin ng kupunan para iwagayway muli ang watawat ng Tier One sa rurok ng Pinoy MLBB eksena.
Ngunit kasabay ng maraming pagbabago na naganap sa liga at mga kupunang sasali rito, marami ring naiba para sa Blacklist patungong S8, tampok ang pagpasok ni Salic “Hadji” Imam na propronta ngayon para sa MPL-PH S7 champions.
Hadji, nasa ‘adjustment period’ pa ayon kay Coach Bon Chan

Sa pagpasok ni Hadji sa starting position ng team, natural lamang na may ‘adjustment period’ ayon kay Coach Kristoffer “Bon Chan” Ricaplaza.
Nakapanayam ng ONE Esports Philippines ang MPL championship coach upang talakayin ang kalagayan ng Blacklist International at ng kaniyang bagong player.
Dagdag ni Coach Bon Chan, “Okay naman siya. Nasa adjustment period pa. Pero sure namang aabot ang preparation just in time for MPL.”
Nauna nang ibinalita ni Coach Bon Chan kasama ang ONE Esports PH ang role na gagampanan ni Hadji para sa kupunan. Mula sa kaniyang orihinal na jungler position, babandera ang tinaguriang KDA machine sa position 4 o position 5 para sa Blacklist.
Blacklist sa NMA Season 3
Bilang patikim sa kanilang preskong lineup, sumabak ang Blacklist International sa Nimo TV Mobile Legends: Bang Bang Arena Season 3 (NMA Season 3) nitong nakaraang Hulyo.
Dahil pa rin sa pagbabago sa starting lineup ng kupunan, nakatuon ngayon ang MPL-PH Season 7 champions sa pagbabalik ng kanilang chemistry gayundin ang synergy ng kanilang hero pool.
Kinulang man sa playoffs kontra sa kalaunang nagkampyon na EVOS Legends, nagpasiklab ang kupunan ng Tier One sa international stage, tampok ang X-Borg core ni Danerie “Wise” Del Rosario at lasong Eudora ni Hadji na nagpahirap sa mga kupunang kasali.

Ikinumpara ni Coach Bon Chan ang kaniyang kupunan sa bagong sasakyan na nangangailangan ng “break-in”. Dagdag niya, makakatulong daw ang mga hamong katulad ng NMA para maging “smooth ang takbo” ng kanilang MPL regular season.
Team Chemistry at Hero Synergy ang tinututukan ng Blacklist ngayon

Ayon kay Coach Bon Chan, importanteng maibalik ang parehong lebel ng chemistry nila noong nakaraang season na susi sa kanilang kampanya para sa S7 korona.
Kasabay nito, nakatutok din ang Blacklist sa pag-aaral ng hero composition na isasalang nila sa paparating na MPL. Matatandaang sila ang nagpauso ng ‘Nice One, Baby” meta at UBE strat na naging template strat ng mga teams sa Southeast Asia.
Sa kabila ng mga ito, nanawagan ang coach sa mga fans ng kupunan para suportahan sila sa maituturing na pinakamahirap na biyahe nila sa MPL.
“Try namin i-replicate ang naging run naman last season. Super importante ng support ng bawat isang agent sa magiging run namin.” ani ni Bon Chan.
Huwag kalimutang i-like at i-follow ang Official Facebook Page ng ONE Esports Philippines para sa mga eksklusibong panayam sa mga kupunan sa MPL!