Magbabalik ang Blacklist International sa Grand Finals ng MPL Philippines sa ika-apat na pagkakataon, at sa paparating na Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2023 sa ikalawang pagkakataon.

Ito ay matapos nilang patumbahin ang matikas na RSG Slate Philippines, 3-1 sa gumulong na Upper Bracket Semifinals ng MPL PH Season 11 Playoffs.


Owl at Wise bumida, Blacklist umarangkada sa UB Finals

Ipinamalas muli ng hanay ng Tier One ang pambihira nilang “playoff mode” sentro ang play ni Lee Howard “Owl” Gonzales na pinangunhan ang atake ng kaniyang hanay sa dalawang magkasunod na laro.

Credit: MPL Philippines

Delubyo ang inabot ng RSG sa kamay ng Karrie ni Owl na pumukol ng 9/0/3 KDA para ipako ang dominanteng 17-0 kill score sa unang mapa na hindi lumampas ng kinse minutos. Samantala, Wanwan (4/1/8) naman niya ang sinandalan ng defending champions sa game two para makuha ang 2-0 kalamangan sa serye.

Sinubukang isarado ng Blacklist ang serye sa ikatlong salang ngunit mistulang nabuhay ang dugo ng mga Raiders, pangunahin na si Eman “EMANN” Sangco na umariba gamit ang kaniyang Beatrix. Lapnos ang mga pambato ng Agents sa marksman ng RSG goldlaner matapos magtala ng perpektong 11/0/4 KDA para hiranging MVP ng laro.

Bagamat krusyal ang tagumpay sa game three, hindi pinayagan ng Blacklist na masamantala ng RSG ang momentum dahil desimulado ang isinalang nilang play para isarado ang serye.

Credit: MPL Philippines

Bumida sa closer ang Akai ni Danerie “Wise” Del Rosario na nagpakawala ng tiyempong Heavy Spin para mabuwag ang porma ng RSG.

Dahil sa tagumpay, ito na ang magmamarka na ika-apat na finals appearance ng Blacklist sa huling limang seasons ng MPL PH.

Manatiling nakatutok sa pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Wise: ‘Buti andyan si V33’