Ipinakita muli ng Smart Omega at Blacklist International na dalawa sila sa pinakamagagaling na Mobile Legends: Bang Bang teams sa buong mundo.

Tampok sa Week 2 Day 2 matchup ng MPL Philippines Season 8 ang rematch ng Finals ng Season 7, kung saan binaliktad ng Blacklist ang tangkang sweep ng Smart Omega.


Comeback is real para sa Smart Omega sa game 1

Screenshot ni Calvin Trilles / ONE Esports PH

Unang sultada pa lamang ay kakaibang lebel ng Mobile Legends play ang isinalang ng parehong kupunan, tampok ang jungle Sun ni Danerie “Wise” Del Rosario at master-tier Claude ni Kiel VJ “kielvj” Hernandez.

Bagamat nakakuha ng maagang gold lead at objectives ang Blacklist, kasama na ang magnipikong Alice gameplay ni Kiel “OHEB” Soriano, napurnada ng OMG ang hinahangad na death push ng BLCK 23 minuto sa laro.

Isang late game engkwentro sa mid lane ang pumutol sa agresibong atake ng kupunan ng Tier One, kung saan napitas ang kanilang Alice at Paquito. Sinundan ito ng pick offs sa Sun at Kagura, na nagbigay daan sa mabilisang push ng OMG papunta sa game 1 panalo.

Screenshot ni Calvin Trilles / ONE Esports PH

Susi ang X.Borg ni Dean “Raizen” Sumagui na epektibo sa pagbubugaw ng kalabang team at tinulungan ang late game defense ng kaniyang kupunan.


Pinaluhod ng Benedetta ni Edward ang OMG

Screenshot ni Calvin Trilles / ONE Esports PH

Hindi naman nagpatinag ang BLCK sa game 2, kung saan isinalang ni  Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza ang klasikong Yi Sun Shin ni Wise, Popol and Kupa ni ohnmar “OhMyV33nus” Villaluna at ang dekalibreng Benedetta ni Edward “Edward” Dapadap.

Dominanteng early game muli ang ipinakita ng composition ng Blacklist International, kung saan pinugo ng Beatrix ni OHEB ang Alice ni Raizen.

Sinamantala ng MPL PH S7 champs ang maagang advantage na ito para sa snowball push kung saan bumida ang mga outplays ng Benedetta na pinahirapan ang signature Khufra ni Joshua “Ch4knu” Mangilog.


Kinumpleto ng Kagura ni Hadji ang reverse sweep

Screenshot ni Calvin Trilles / ONE Esports PH

Dikit ang game 3 bakbakan ng dalawang higanteng teams kung saan pinahirapan ng Kaja ni Raizen ang Blacklist na nakailang ulit na bumunot sa Paquito ni Edward.

Ngunit isang late game engkwentro sa 20 minuto ng laro ang nagpalinaw kung sino ang mas magaling na kupunan sa Week 2 matchup.

Tampok sa nasabing bakbakan sa purple buff pit ng OMG kung saan nagpakitang gilas ang Kagura ni Salik “Hadji” Imam na nagpadugo sa mga kalaban gamit ang Yin Yang Overturn at Flameshot combo, kasama ang madulas na dodge plays.

Screenshot ni Calvin Trilles / ONE Esports PH

Nagbigay daan ito sa walang takot na pag-abante ng damage dealers ng BLCK para sa death push at ang game 3 panalo para kumpletuhin ang reverse sweep.

BASAHIN: MPL PH S8 Regular Season: Kumpletong schedule, weekly results, standings at kung saan mapapanood