Pinangangatawanan ni Salic “Hadji” Imam ang pagiging Kevin Durant ng a la 2017-2018 Golden State Warriors na Blacklist International matapos niyang magpasikat bilang Eudora kontra Bigetron Alpha sa Nimo TV Mobile Legends: Bang Bang Arena Season 3 playoff.

Nabinyagan bilang ‘Blacklist Agent’ ang dating jungler ng Omega Esports sa turneong kinatatampukan ng mga pinakamalalakas na koponan mula sa Indonesia. Bagamat bagong uniporme na ang suot nito habang naglalaro sa bago niyang role, parehong tikas pa rin ang pinapamalas ng 18-taong-gulang na manlalaro.

Eudora ni Hadji, MVP kontra BTR

Sinimulan ng BLCK ang kanilang kampanya sa playoffs sa pag walis sa Geek Fam ID, bago harapin ang runner-up ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Indonesia Season 7 sa semi-finals ng upper bracket.

Bagamat pinatawan na ng emergency nerf ni Moonton ang kinatatakutang Mage hero, hindi pa rin nito napigilan si Hadji na bigyan ng “Eudoraphobia” ang kanilang kalaban.

Eudora MLBB
Credit: Moonton

Sa unang 11 minuto ng laro, ang hero ni Hadji ang pinakamalakas sa buong mapa matapos magtala ng apat na kills at limang assists nang hindi namamatay. Siya ang dahilan kung bakit hindi mapakinabangan ng BTR ang magandang farm ng Granger ni Jabran “Branz” Bagus Wiloko pati na rin ang kanilang malaking lamang sa gold. 

Napahaba man ng kanilang kalaban ang bakbakan, hindi pa rin umubra ang mga ito sa reigning champions ng MPL-PH. Nakamit ng bagong saltang agent ang winning condition ng kanyang koponan matapos mapitas sa may Red Buff ang Jungler ng kalaban bandang 21-minuto ng laro.

Nasundan ito ng BLCK ng isa pang kill sa Paquito ni Muhammad “Rippo” Arif Bin Abdul Halim kaya’t malaya nilang nakuha ang Luminous Lord. Wala nang nagawa ang mga Indonesians nang kumatok sa kanilang high ground ang mga Pilipino kung hindi ibigay sa ang panalo.

BLCK Hadji Eudora MVP
Credit: NimoTV

Tinapos ni Hadji ang laban nang may pitong kills, 11 assists, kontra isang death. Sa 18 kabuuang kills ng kanyang koponan, ibig-sabihin ay nakapagtala ang manlalaro ng 100% kill participation. Sa kanya rin nagmula ang 29% o 69,385 ng hero damage na pinakamataas sa buong BLCK.

BLCK waiting na sa Upper Bracket Final ng NMA Season 3 playoff

Kahit pa naglaan ng isang ban slot ang BTR sa Eudora ni Hadji sa ikalawang mapa ng best-of-three serye, nawalis pa rin ng pambato ng Pilipinas ang mga ito.

Pasok na ngayon ang BLCK sa upper bracket finals, kung saan nakatakda nilang harapin ang kampeon ng MPL-ID Season 7 na EVOS Legends. 

Credit: emak_moba

Noong nakaraang Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2021 huling nagharap ang dalawang koponan. Sa parehong upper bracket finals ng playoff nagkita ang mga ito, kung saan winalis ng BLCK ang EVOS, 3-0, upang ilaglag sa lower bracket finals.

Mapapanood ang harapan ng BLCK at EVOS sa Hulyo 31 sa NimoTV.