Patuloy ang pag-ugong ng diskusyon kasunod ng binitawang komento ng MPL PH legend at dating Bren Esports pro na si Carlito “Ribo” Ribo Jr. ukol sa defending champions Blacklist International.

Sa panayam sa halftime break ng Week 6 Day 2 bakbakan ng Blacklist at Smart Omega sa MPL Philippines Season 11, tinanong ni Mara Aquino ang beterano na noon ay nakahanay sa audience ukol sa pangkat na sa tingin niya ay humina ang performance ngayong regular season.

Credit: Ribo

Sagot ni Ribo sa host, “Yung ano, yung mga nasa hule. TNC,” bago idugtong ang tapat niyang opinyon. “‘Di pero sa tingin ko ang humina ay Blacklist. Dati lagi silang top one eh. Ngayon lagi na silang tinatalo ng Bren o Omega o ECHO.”

Tipikal nang may anghang ang mga komento ni Ribo lalo’t kilala ito sa kaniyang diretsong pananalita. Ngunit tila ang mas nag-udyok sa diskurso ay ang tugon ni Danerie “Wise” Del Rosario sa gumulong na post-match interview nang tanungin ng host ang reaksyon niya ukol sa sinabi ng kapwa HoL member.

“Okay lang. Matagal din naman kami nag-dominate bago kame humina. Tiyaka at least nasa MPL pa rin kame,” tugon ni Wise saliw sa hiyawan ng fans na nanood sa Shooting Gallery Studios.

Credit: MPL Philippines

Ang Blacklist coach na si Kristoffer “Coach BON CHAN” Ricaplaza, tila di inasahan ang pagputok nang nasabing diskusyon. Pagsusuma niya sa inilabas niyang video sa YouTube, naghahanap lamang daw ng hype ang fans kung kaya’t nabigyan ng kahulugan ang palitan ng dalawang alamat sa larangan.


Coach BON CHAN sinabing naging tapat lang si Ribo

Hinimay ni Coach BON CHAN ang naging palitan nina Wise at ni Ribo sa mga panayam kasama si Mara Aquino sa inilabas niyang YouTube video, Martes ng gabi. Sa naturang video, pinakinggan ng Blacklist Coach ng magkahiwalay na pagkakataon ang naging tugon ng dalawa at pagkaraan ay nagbigay kaniyang saloobin ukol sa mga ito.

Credit: Moonton

Sa sagot ni Ribo sa halftime interview, inamin ng M-World Series champion coach na wala siyang masamang tinapay ukol dito. “Para sa aken walang masama sa sinabe ni Ribo.”

Dagdag pa niya, “Dahil nagtanong lang si Mara. Interview lang, naghanap lang ng honest opinion si Mara kay Ribo and sumagot lang siya ng honest answer.”

Mayroon naman daw kasing basihan kung bakit nasabi ito ng tinagurian dati bilang “GOAT” ng MLBB.

“Walang masama sa sinabe niya dahil may mga documents to support his claim. Dati nga naman, Season 7, Season 8, tig-iisang talo lang during regular season diba. While this season, may talo na agad,” paliwanag pa ni BON CHAN.

Bukod sa komento sa sinabi ni Ribo, ipinaliwanag din niya ang sa tingin niya ay ibig sabihin ni Wise sa tugon nito sa post-match interview. Aniya, malaki raw ang tiyansang mali ang pakahulugan ng ilang fans ukol dito.

Para raw sa coach, “Ang statement niya na yon na ‘At least nasa MPL pa rin kame’ ay kung i-eelaborate ko ay although humina kame, thankful pa din kame na nasa MPL pa din kami.”

Inaasahan ng coach na sa pabibigay-linaw niya sa naturang isyu ay lilipas ang init na nakapalibot dito.

Makibalita sa pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook!

BASAHIN: MPL PH S11 Week 6 Day 2 Recap: Blacklist at ECHO umukit ng tig-isang sweep, RSG Slate nakalusot