Sa wakas ay nabigyan na ang mga fans ng litrato ng mga gaganaping matchup sa pinaka-aabangang Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2021.

Sa katatapos lang na MSC 2021 Live Draw, naikasa na ang apat na grupong kabibilangan ng mga teams na nagmula sa parehong MPL at non-MPL regions.

Bida sa Group C ang MPL-PH Season 7 Champions at pambato ng Pilipinas na Blacklist International. Susubukan ng kupunan ni Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna ang lakas ng napakatunog na Bigetron Alpha na 1st runner up sa MPL-ID Season 7 gayundin ang matikas na M1 representative Impunity ng Cambodia.

Sasagupain naman ng Filipino fan favorite na Execration sa Group D ang M1 at M2 contenders na EVOS SG at Nightmare Esports galing sa Laos.

Kaabang-abang naman sa Group A ang salpukan ng dalawang magkapatid na teams na RSG Malaysia at RSG Singapore. Kasali sa pagtutuos ang bigating MSC 2017 Champions na IDoNotSleep galing Thailand.

Papangunahan ng M1 at MPL-ID Season 7 champions Evos Legends Indonesia ang Group B kasama ang napakainit na TODAK Malaysia at 360 Mobi Champions na CYBER EXE mula Vietnam.

Bukod sa bunutan ng teams, binigyan din ng pagkakataong magsalita ang mga kupunan tungkol sa kanilang mga inaasahan na magaganap sa torneyo.

Pinakatampok sa mga panayam ang tamis-anghang na salita ni Coach Jaime “PAKBET” Abalos at Patrick James “E2MAX” Caidic ng Execration patungkol sa EVOS SG.

“I feel excited with this bracket because they are the best at their country and we want to show them how we play” sabi ni Coach PAKBET. Dagdag ni E2Max, “We are so excited with these teams. We scrim a lot also. I remember we already scrimmed with EVOS SG. We know how they play. I’m very excited.”

Sa Group C naman, mataas ang respetong binigay ni Bigetron Alpha analyst Yota “Yota” Indraputra sa makakalaban nilang Filipino team.

“I’m personally surprised. It’s gonna be one hell of a ride for us. It’s gonna be very very tough. We’re facing against one of the strongest teams in SEA right now,” banggit niya patungkol sa Blacklist.

Suportahan ang inyong paboritong team sa darating na group stages ng MSC 2021 ngayong June 7-9.