Mukhang nagbabalik na ang angas ng reigning world champion na Bren Esports sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines.

Nakuha sa wakas ng Bren ang una nitong win streak sa franchise-based Season 8 matapos muling patumbahin ang Nexplay EVOS, 2-1, sa kanilang mainit na bakbakan sa Week 5 Day 1.


Lusty tiwalang bumalik na ang chemistry ng orihinal na first five ng Bren Esports

Credit: MPL Philippines/Screenshot ni Jeremiah Sevilla

Sinabi ng beteranong tank/roamer na si Allan “Lusty” Castromayor sa post-match interview na ang orihinal na first five–ang M2 World Championship-winning lineup–ng Bren Esports na ang paniguradong sasabak sa mga susunod pang laban.

Binubuo nila captain-support Angelo “Pheww” Arcangel, jungler Karl “KarlTzy” Nepomuceno, gold laner CJ “Ribo” Ribo, EXP laner David Charles “FlapTzy” Canon at Lusty ang alamat na komposisyong ito na inuwi ang world title matapos padapain ang Burmese Ghouls sa grand finals ng M2 noong Enero.

Sila rin ang core roster na kinuha ang kampeonato sa MPL PH Season 6.

“Sure na kami pa ring lima ‘yung maglalaro. ‘Pag nakapasok kami ng playoffs, kami pa ring lima. Kasi nabalik na namin’ yung chemistry namin eh,” giit ni Lusty.

Matatandaang inilabas si Pheww sa first five at ipinalit muna sa kanya ang rookie na si Muj “Malik” Malik sa ilang mga nakaraang serye.

Dagdag pa ng two-time MPL PH champion at SEA Games gold medalist, mas madali na nilang natutukoy ngayon ang mga pagkakamali nila sa laro.

“‘Di na kami nagkaka-ilangan. ‘Pag may mali, nasasabi na namin.”


Bren Esports dinaig ang Nexplay EVOS sa kanilang pangalawang pagtatapat ngayong season

Namayani ang chemistry ng Bren Esports sa Game 2 kung saan nagsindi sila ng isang comeback at sama-samang niyupi ang tangkang split push ni Renejay “RENEJAY” Barcarse sa kanyang Chou para maitabla ang serye.

Naging sentro ng kanilang stratehiya si FlapTzy sa kanyang Thamuz na tumangke ng mahigit sa 192K na damage mula sa NXP, kaya naman siya ang pingalanang MVP ng laro na tumagal ng halos 22 minutos.

Credit: MPL Philippines/Screenshot ni Jeremiah Sevilla

Pinangunahan naman ng kalahati ng “Tzy Brothers” at M2 MVP na si KarlTzy sa kanyang Natan ang dominanteng panalo ng boys in black and yellow sa Game 3.

Nagtala si KarlTzy ng bibihirang 1K gold per minute at higit 58K na damage sa laban na natapos nang wala pang 15 minuto.

Credit: MPL Philippines/Screenshot ni Jeremiah Sevilla

Dahil sa panalo, binuhay ng mga bata ni coach Francis “Ducky” Glindro ang kanilang pag-asa na makapasok sa playoffs ng liga.

Dumikit ang Bren sa Smart Omega bagamat nasa No. 7 pa rin sila ng standings hawak ang 9 points. Ang bottom two teams ay malalaglag sa pagtatapos ng walong linggong regular season.

Credit: MPL Philippines/Screenshot ni Jeremiah Sevilla

Tatangkain ng Bren Esports na makuha ang kanilang ikatlong sunod na panalo at makaganti na rin sa Onic Philippines mamaya sa ganap na ikawalo ng gabi.

Sundan ang mga kaganapan sa MPL PH Season 8 sa pamamagitan ng Facebook page ng ONE Esports Philippines. Mapapanood ang mga laban sa Facebook at YouTube channel ng liga.