Kinumpleto ng Bren Esports ang malinis na kampanya sa ikaapat na linggo ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10) matapos nilang walisin ang Nexplay EVOS na ipinasok si Renejay “RENEJAY” Barcarse sa unang pagkakataon ngayong season.

Tampok ang beteranong “Rene2wo” duo na si roamer Renejay at jungler John Paul “H2wo” Salonga, tinangka ng NXPE na wakasan ang kanilang 3-game losing streak laban kila rising star Kyle “KyleTzy” Sayson at Bren.

Pero isang dominanteng panalo sa unang laro ang nilista ng koponan sa itim at dilaw bago ipako ang 2-0 sweep sa pamamagitan ng isang comeback para makuha ang back-to-back wins sa Week 4 ng liga.


Pinatumba ng Bren Esports ang Nexplay EVOS sa MPL PH S10 debut ni Renejay

Bren Esports at Nexplay EVOS handshake
Credit: MPL Philippines

Liyamado sina Renejay (Chou) at Nexplay EVOS sa mid-game ng unang laban ngunit nanaig ang Bren Esports dala ng kanilang mas solidong positioning at mabilis na pagkuha ng Lord objective sa likod ng Julian ni KyleTzy.

Sa bandang 14 minuto, inubos ng mga miyembro ng Bren ang minions sa lane at agad na pumuwesto sa paligid ng pit. Dulot ng kanyang full mage-assassin build, mabilis na nakitil ni KyleTzy ang Luminous Lord at pinangunahan ang 3-for-2 exchange sa sumunod na clash. Matapos nilang mabura si H2wo (Paquito) sa top, rumekta na sila KyleTzy at kanyang mga kakampi sa pagbasag ng Base.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Gumana na ang koneksyon ng “Rene2wo” nila Renejay (Chou) at H2wo (Akai) sa Game 2 na ginutom sa resources ang Benedetta ni KyleTzy. Ilang matagumpay na ganks din mula kay Renejay ang bumaog sa Beatrix ni Marco “SUPER MARCO” Requitano.

Pero napatagal ng Bren Esports ang laro salamat sa walang takot na pagdakdak ni Vincent “Pandora” Unigo (Phoveus) gamit ang Demonic Force ultimate sa mga team fight. Binura nila Pandora at Bren ang tatlo sa NXPE at kinuha pa ang Luminous Lord sa 14 minuto.

Nag-scale na rin ang Cecilion ni Angelo “Pheww” Arcangel at Beatrix sa late game. Mabisang na-zone out ni Pheww si H2wo kaya libreng nakuha ng Bren ang Lord sa 17 minuto kahit wala si KyleTzy at matapos nito ay nagmartsa na ang Bren para ilista ang comeback.

Itinala ng Bren Esports ang back-to-back panalo ngayong linggo at tumabla sa ECHO sa No. 4 hawak ang 10 puntos (3-4 series win-loss). Sa kabilang banda, nadulas naman ang Nexplay EVOS sa kanilang ikaapat na sunod na talo at nanatili sa No. 7 tangan ang 7 puntos (1-5).

Aasamin ng Bren na ipagpatuloy ang kanilang winning ways kontra ONIC PH sa susunod na linggo habang susubukan naman ng NXPE na putulin na ang kanilang LS laban sa ECHO bukas.


Subaybayan ang mga pangyayari sa sa MPL PH Season 10 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.