Dalawa.

Iyan ang bilang ng mga kampyonatong nakuha ninyo sa MPL Philippines simula noong binuksan ito noong 2018.

Presko pa rin sa aming alaala ang dominante niyong gameplay na gumimbal sa mga kupunang kalahok sa noo’y nagsisimula pa lamang na liga sa Pinas, at kung saan dala niyo pa ang pangalan ng Aether Main.

Ganiyan din ang lebel na ipinamalas niyo sa mga susunod na seasons lalo na noong Season 6, kung saan ipinakita ninyo ang isa sa mga pinakamagilas na kampanya papunta sa kampyonato.

Kaya naman hindi kami mapakali sa katotohanan na ngayong Season 8 Playoffs, wala sa listahan ang pinaka-aabangan naming dilaw at itim na logo.

Credits: ONE Esports PH

Hindi naman kaila sa amin na ginawa ninyo lahat ang inyong makakaya para sa pag-asang mabawi ang korona.

Sa katunayan, nabuhayan nga kami ng loob noong inilabas niyo ang inyong tunay na husay at tibay sa gitna ng season para buuin ang 3-game winstreak at makapasok sa top 6 sa standings.

Gayunpaman, hindi rin naman bago sa amin ang takbo ng industriya. Kailangan naming tanggapin ang katunayan na sa mundo ng Esports, may nanalo at may natatalo. Kapusin man kayo, may dahilan kung bakit nasa likod ninyo parin ang mga tao.


Credit: MPL Philippines

Isa.

Iyan ang bilang ng kupunang Pinoy na nag-uwi ng pinakamataas na gantimapala sa mundo ng Mobile Legends.

Hindi namin malilimutan kung paano ninyo binuhat ang bandera ng Pilipinas sa M2 World Championships kung saan pinatunayan ninyo ang galing ng Pinoy.

Credit: Moonton

Kaya na rin siguro may kurot ang hindi ninyo pag-angat sa Top 6 ngayong Season. Palaging nasa likod ng aming isipan na kung mayroong kupunang makagpagbibitbit muli ng tropeyo sa gaganaping World Championships ngayong taon, BREN Esports ang may pinakamalaking tiyansang magawa ito.

Angsarap sanang isipin ano? Na ang ilalaman ng mga balita at radyo ay “BREN Esports, inuwi ang M3 kampyonato”? Ngunit hindi kami naman nagrereklamo. Hindi rin kami nagbabaling ng sisi sa inyo.

Punto per punto, ang gusto lang namin ay kayo ang umakyat, at kayo ang manalo. Dahil…


Credit: Tammy David

Wala. Sero.

Iyan ang bilang ng mga kupunang maihahalintulad sa mga nagawa ninyo. Pagpupugay kay Coach Duckey, Ejhay, Lusty, Karltzy, Flaptzy, Doc Ribo at sa lahat ng mga miyembro!

Hanggang sa susunod na season, mga idolo.

-BREN Esports Fan