Pinatunayan ng BREN Victress na sila ang kasalukuyang reyna ng Mobile Legends: Bang Bang women’s scene sa Pilipinas nang dominahin nila ang Smart Omega Empress, 2-0, para umarangkada sa semifinals ng MLBB Women’s Invitational 2022.

Nakausad din sa final four ang GPX Basreng at Bigetron Era ng Indonesia maging ang Karra ng Malaysia sa pagtatapos ng quarterfinals sa unang araw ng playoffs ng MWI 2022 na inorganisa ng Moonton at ONE Esports.


BREN Victress winalis ang Smart Omega Empress, 2-0

BREN Victress
Credit: ONE Esports

Pinangunahan ni Babylyn “Defrost” Mamasainged sa kanyang Ruby ang 16-1 dominasyon ng Bren Victress laban sa Smart Omega Empress sa Game 1 na tumagal lamang ng 14 minuto.

Bukod sa pagtangke sa damage ng kalaban, bumitaw din si Defrost ng magagandang I’m Offended (ultimate) setups at pinigilan ang mga initiation ng Omega gamit ang Don’t run, Wolf King! (2nd skill) para malayang makapagbato ng burst damage sina Ma. Denise “Taro” Marasigan (Brody) at Alexandria Dhzoie “Lexaaa” Dardo (Kagura).

Credit: ONE Esports

Pagdako ng Game 2, sinamantala ng Bren na makalamang agad sa early game pa lang dahil sa late game-centered lineup ng Omega na nakaangkla sa Aldous at Cecilion.

Malinis na pinanalo ng girls in black and yellow ang mga team fight at isa-isang nilimas ang mga objective sa mapa. Matapos makuha ang ikalawang Luminous Lord sa 15-minute mark, sinara na ng Bren ang laro sa iskor na 14-3.

Bumida si Lexaa sa kanyang Lylia na tumikada ng perpektong 3/0/9 kill-death-assist record para sa 86% kill participation at nagpakawala ng 51K damage.

Haharapin ng BREN Victress ang GPX Basreng ng Indonesia sa isang best-of-three semis match bukas. Nagtapos naman ang mga Cebuana ng Smart Omega Empress sa 5th-8th place at nakakuha ng $700 (mahigit PHP 35,000) na premyo.


GPX Basreng sinelyo ang 2-0 panalo laban sa Lugiami

Credit: ONE Esports

Pinakita ng GPX Basreng ng Indonesia kung bakit sil undefeated at top seed sa Group A sa pamamagitan ng mabilis na pagpapatumba sa Lugiami ng Singapore.

Nagtala si Venny “Fumi” Lim (Esmeralda) ng 6/0/3 KDA at bumitaw ng 33K damage upang pagbidahan ang 19-6 win sa Game 1 sa loob lang ng 11 minuto.

Mas mabilis na pinanalo ng GPX Basreng ang Game 2 sa iskor na 16-2 at sinara ito sa isang malupit na Diversion play na ginawa ni Fanny Cynthia “Funi” Dewo (Luo Yi).

Tinanghal na MVP si Funi dahil sa kanyang malinis na 5/0/4 record, 31K damage at higit sa lahat sa kanyang matitinik na Diversion plays.

Babanggain ng GPX Basreng ang pambato ng Pinas na BREN Victress sa MWI 2022 semifinals.


Karra nilista ang 2-0 sweep kontra On Air Pipol

Credit: ONE Esports

Mainit ang palitan sa pagitan ng dalawang Malaysian teams ngunit nagsimulang pumiglas ang Karra nang ma-wipe out nila ang On Air Pipol sa isang mahabang clash sabay kuha ng unang Lord sa 8-minute mark.

Pinagpatuloy lang ng Karra ang pagkontrol sa mapa at tuluyang sinelyo ang 22-16 panalo kasama ang Luminous Lord sa Game 1 sa loob ng 13 minuto.

Maagang umarangkada ang Karra sa Game 2 salamat sa mga setup ni Sharifah Alia Husna “ARIAGRANDE” Binti Syed Fakrurrozi (Khufra). At sa bandang 11-minute mark, nahuli niya ang Hayabusa ng On Air Pipol gamit ang Tyrant’s Rage para libre nilang makitil ang Lord.

Bagamat napatagal pa ng On Air Pipol ang laro dahil sa Enhanced Lord Steal na nagawa ni Jennica Fay “Seraa” Jossly (Silvanna), hindi nila napigilan sina ARIAGRANDE at Karra na ipako ang sweep sa pamamagitan ng 29-13 win sa loob ng 23 minuto.

Makakasalpukan ng Karra ang Bigetron Era sa final four ng unang Moonton-hosted event ng taon.


Bigetron Era pinataob ang IDNS Princess, 2-0

Credit: ONE Esports

Simula pa lang ay epektibo nang na-shutdown nila Vivi “Vivian” Indrawati (Jawhead) at Cindy Laurent “Cinny” Siswanto (Luo Yi) ng unbeaten team at Group B top seed na Bigetron Era ang star player ng IDNS Princess na si Patcharee “Ramella” Korpakdee (Lancelot) sa Game 1.

Kaya naman madali na lang para sa Indonesian team na kumuha ng pickoffs at objectives sa mapa, at magwagi sa mga clash patungo sa isang dominant 23-4 victory laban sa koponan mula Laos sa loob ng 13 minuto.

Credit: ONE Esports

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang BTR Era at tinuloy ang methodical na pandudurog nito sa IDNS sa pamamagitan ng one-sided 18-3 win sa Game 2 na tumagal nang 17 minuto.

Nagpakitang-gilas muli si Cinny (Chou) na pumukol ng 3/0/6 KDA at gumawa ng ilang malupit na The Way of Dragon (ulti) setups habang nagpasiklab din ang “AngeLing” combo sa kamay nila Vorelle Valencia “Vival” Chen (Ling) at Vivi “Vivian” Indrawati (Angela) na nagtala ng 6-2-5 at 3-0-11 KDA.

Makakatunggali ng Bigetron Era ang Karra sa semifinals ng MWI 2022.


Susubukan ng BREN Victress na sungkitin ang korona sa kauna-unahang MLBB Women’s Invitational sa huling araw ng torneo na idadaos bukas, ika-30 ng Enero.

Credit: ONE Esports

Panoorin ang opisyal na Filipino broadcast ng MWI 2022 sa Facebook page ng ONE Esports Philippines at YouTube channel ng ONE Esports.