Sa wakas ay nakamit na din ng Execration ang matamis na paghihiganti kontra sa Blacklist International sa katatapos lang na Grand Finals ng MSC 2021. Bukod sa tropeyo at $150,000, nakuha din ng EXE ang respeto ng madaming fans at international teams.

Subalit, kataka-taka pa rin para sa marami kung paano nga ba sinagot ng Execration ang dati-rati’y hindi matinag na Ultimate Bonding Experience Strategy ng Blacklist.
Ang sagot? “Brody picks at Brody denies,” ani ng MPL-PH caster at analyst na si Yvez “Wolf” Nopueto.
Limang laro, limang Brody picks
Bukod sa mainit na paligsahan ng mechanical skills at shot calls, may tahimik na digmaan na naganap sa pagitan ng mga henyong coaches ng dalawang teams.
Kapansin-pansin na naguunahan sina Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza ng Blacklist at Jomie “Pakba1ts” Abalos ng Execration sa pagkuha sa marksman jungler. Sentro ang Brody sa limang laro ng Grand finals series na napili din ng limang beses.
Nakauna si Coach BON CHAN sa game 1 at hindi siya binigo ni Danerie “Wise” Del Rosario na nagpasubsob sa EXE.

Rumesponde naman si Coach Pakba1ts na isinelyo ang Brody pick sa games 2, 3 at 5 na ipinahawak niya kay Kiel VJ ‘kielvj’ Hernandez. Sulit ang priority draft ng Execration coach na nagtala ng tatlong panalo sa tatlong laro na kasama ang Brody.
Bagamat napasakamay ulit nila ang marksman jungle hero sa game 4, kinulang ang Blacklist sa late game kung saan naghari ang Lunox ni Duane “Kelra” Pillas.
Bakit si Brody?
Ibinagi ni Wolf kung bakit mataas ang priority ng Brody sa draft ng dalawang teams. Banggit ng beteranong MLBB analyst, “Perfect si Brody sa UBE because of AOE damage and low cooldown spells. Lakas ng poke. Basically, better up time than Granger.”
“Although Granger may scale better, sa early game, Brody is such a beast,” dagdag niya.

Matatandaan ding priority ban ng Execration sa kabuuan ng serye ang Estes, Aldous at Mathilda. Sa pagkuha ng Brody, mapipilitan si Coach Bon Chan na kumuha ng ibang marksman jungle o kaya naman ay assassin jungle na hindi kasing epektibo sa kanilang dual support composition.
Ipinahiwatig din ni Coach Pakba1ts ang susi niya sa drafting sa post game interview, “Alam naming hindi sila nag-aaassasin.”
Sa puntong naselyo na ng Execration ang Brody at ipipilit naman ng Blacklist ang assassin hero tulad ng Ling, mapait din ang sasapitin nila sa early game.
“In the absence of Aldous, Ling thrives. However, Ling cannot address Brody head on because Brody is too fast sa tempo.” sabi ni Wolf.