BloodThirstyKings (BTK) ang hinirang na kampeon sa North America Challenger Tournament Spring 2023 (NACT Spring 2023) matapos lusutan ang matikas na Outplay sa isang makabag-damdaming seven-game grand finals serye.

Sa proseso, nakuha ng BTK ang tiket papunta sa dalawang prestihiyosong MLBB torneo sa international stage: ang Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2023 (MSC 2023) at ang 15th World Esports Championship.

Hindi madali ang binaybay ng BTK sa NACT Spring 2023 kung saan pangunahing dagok na kinaharap nila ay ang kanilang kemistri at synergy lalo pa’t kabubuo pa lamang ni Michael “MobaZane” Cosgun ng nasabing lineup. Liban kay MobaZane, walang kahit anong uri ng karanasan sa competitive play ang rookies na isinabak nila.

Samantala, tinagurian ang hanay ng Outplay bilang dream team sa North America tampok ang star-studded cast na binuo ng dating mga kakampi ni MobaZane sa The Valley na sina Jang “Hoon” Seong-hun, Peter “Basic” Lozano, at Oscar “SHARK” Vo.


MobaZane pinangunahan ang apat na rookies ng BTK papunta sa NACT Spring 2023 kampeonato

Credit: Moonton

Una nang sinipa ng Outplay ang BTK papunta sa lower bracket ng playoffs sa pamamagitan ng isang sweep sa upper bracket final. Kinasa nito ang dikdikang lower bracket final ng BTK kontra sa Ackerman para ma-setup ang rematch kontra sa star-studded team.

Maraming nag-akala na mauulit ang resulta sa gumulong na rematch sa grand finals kung saan nakuha ng Outplay ang unang mapa sa 26-8 kill score demolisyon. Gayunpaman, ipinakita ng BTK ang kanilang tikas nang pumihit sila ng dalawang magkasunod na tagumpay sa games two at three para kuhanin ang momentum ng serye.

Naghalinhinan ang dalawang pangkat sa mga sumunod na mapa ngunit kalaunan ay dumako ang serye sa deciding game seven. Dito sinubukang pagulungin ng Outplay ang teamfight lineup nil ana binuo ng Yve, Lolita at Gloo sa frontline. Samantala, Karrie, Valentina at Yu Zhong naman ang isinagot ng BTK para dito.


Maagang nakuha ng Outplay ang momentum kung saan naselyo nila ang tatlong Turtle objectives para buuin ang 5,000 gold lead. Ngunit nagawang baliktarin ng BTK ang ihip ng hangin sa mid-game matapos mabuo ni ISO hawak ang Karrie ang kaniyang core items para makuha ang krusyal na kills.

Dumating ang turning point ng laro sa ika-23 minuto kung saan nagsayaw ang dalawang pangkat sa palibot ng Lord pit sa top lane. Habang nagaganap ito, tinangka ni Basic na pumugak sa bot lane hawak ang Brody ngunit kapos ito para matapos ang laro.

Screenshot ni Jules Elona/ ONE Esports

Malaki ang kapalit ng sugal na ito dahil ubos sa BTK ang mga miyembro ng Outplay sa mga sumunod na sandali. Hindi na lumingon pabalik sila MobaZane na agad nag-martsa sa mid-lane para tapusin ang serye.

Bagamat sinubukan ng hanay ni Basic na apulain ang tangka ng BloodThirstyKings ay kapos ang kanilang damage output para mapagulong ang depensa.

Bukod sa mga tiket na nakuha ng BTK sa MSC at IESF, nakuha din nila ang pinakamalaking bahagi ng US$23,500 prize pool.

I-like at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Egyptian squad na Team Occupy ang kakatawan sa MENA sa MSC 2023