Tila napilitan pa si Joshua “Ch4knu” Mangilog na angkinin ang titulong ‘best tank’ sa buong rehiyon kahit pa ang koponan niyang Execration ang hinirang na hari ng Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2021.

Matatandaang itinanggi ng batikang tank player ang prestihiyosong pagkilala bago ang huling araw ng playoffs dahil ‘hindi pa sila nagtsa-champion’. 

Execration Ch4knu
Credit: Moonton

Kaya naman matapos nilang bansehan ang Blacklist International sa all-Filipino grand finals ng nasabing paligasihan, muling tinanong ng Filipino broadcast host na si Mara Aquino ang 19-taong-gulang na manlalaro kung ‘ramdam na ba niyang siya ang pinakamalupit na tank sa buong Southeast Asia’.

“Hindi pa rin eh,” naunang sagot ni Ch4knu, “hindi, may [World Championship] pa eh.” 

Ngunit matapos linawin ng kakamping si James “E2MAX” Caidic na sa buong rehiyon ang tinutukoy ng tanong ni Aquino, tinanggap na rin sa wakas ng mapagkumbabang atleta ang titulo:

“Edi ako na.”

https://youtu.be/We4t8Le2fzc?t=33295

Ch4knu, ang best tank sa SEA

Hindi lang ang championship title ng Execration sa MSC 2021 ang dahilan kung bakit marapat kilalanin si Ch4knu bilang ang pinakamagaling na tank player sa SEA. 

Tinapos din kasi ng tinaguriang “Ch4k Mamba” ang kanilang kampanya nang may 226 assists, ang pinakamaraming bilang ng assists kumpara sa lahat ng manlalarong dumalo sa regional tournament. Malaki ang ambag ng talang ito upang umabot sa 40.71 ang assist average ng kanyang koponan, ang pinakamataas sa lahat ng mga kalahok.

https://www.facebook.com/mplph.official/posts/322689342884615?__cft__[0]=AZX1Z_zxOiQuNjaboZuwzn-UO7Ij90wfAVbpouLx0mNWGUg9rTgMt2aeXzwdgj_VKVZeF3h4rGTav-igjhgAWT37babRN6bV4JKocMbta1WqdHGCHXz5oKA3PYtLx5ML5OsltyIkjR0_42XybT6a5UV6&__tn__=%2CO%2CP-R

Mangilang beses din hinirang si Ch4knu bilang MVP sa kabuuan ng kanilang kampanya. Sa huling araw lang mismo ng playoffs ay dalawang beses nasungkit ng manlalaro ang titulo.

Susi sa pagkapanalo ng Execration ang kanyang Grock noong huling mapa kontra EVOS Legends pati na ang 0/0/14 kill-death-assist ng kanyang Mathilda laban sa Blacklist International.


Ngayong nakoronahan na ang Execration bilang ‘King of the SEA‘ at inangkin na ni Ch4knu ang titulong best tank ng rehiyon, marapat lang siguro na bigyan ng sports car ang batikong manlalaro, kagaya ng ipinangako ng kakampi niyang si Billy “Z4pnu” Alfonso.

Malay natin, ang susi ng sasakyan na pala ang magsisilbing susi upang matupad niya ang pagkilalang ‘best tank in the world’.