Panalo ang ECHO sa kanilang match laban sa BREN Esports sa Week 7 Day 2 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8.

Ibinuhos ng ECHO ang lahat nang kanilang makakaya upang makuha ang puntos na kinakailangan nila mula sa BREN Esports upang maipako ang kanilang pwesto sa playoffs. At dahil dito, napatumba ng ECHO ang M2 World champions sa score na 2-0.

Importante ang match na ito para sa ECHO dahil to ang huling laban nila para sa regular season ng MPL PH Season 8, ito rin laban na magdedesisyon ng kanilang kapalaran na makapasok sa playoffs.

Sa post-match interview, ipinaliwanag ng ECHO coach na si Steven Dale “Coach Dale” Vitug ang mindset ng kanilang team sa pagpasok sa laban na ito.

Ibinahagi nya na isinantabi ng kanilang team ang kaba bilang paghahanda sa huling laban nila para sa regular season. “Hindi naman sa over confident [kami] pero wala naman kaming naramdaman na kaba and sanay na rin kami sa ganitong scenario,” sabi ni Coach Dale. “Mas excited pa nga yung mga players na maglaro kasi ganun din naman e.”

MLBB ECHO Coach Dale feature
Credit: ECHO

Ayon sa ECHO coach, nasa plano nila na isantabi ang kaba at laruin ang match nang naaayon sa kanilang puso. “Kumbaga lalaruin na lang namin nang sa puso namin, matalo kami nang sa puso namin, manalo kami nang sa puso namin. Yun yung mindset namin.”

Nang tanungin naman kung anong klaseng pep talk ang ginawa nya para sa kanilang team, napakasimple at totoo ng ibinigay na mensahe ni Coach Dale para sa kanyang team. “Basta enjoyin lang nila yung game na to since last series na rin naman ng regular season. Laruin nila nang mag-enjoy sila para kung ano man maging resulta, hindi nila pagsisisihan bandang huli.”

MLBB CoachDale ECHO team photo
Credit: ECHO

Sigurado na ang pwesto ng ECHO para sa playoffs na gaganapin mula October 21 hanggang 24.

Mapapanood ang mga matches nang live sa opisyal na Facebook channel ng MPL Philippines.