Kitang-kita ang disiplina sa paglalaro ng RSG Philippines nang pulbusin nila ang TNC Pro Team, 2-0, sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8.

Nagpamalas ang RSG ng malinis na fundamental gameplay kontra sa TNC para maka-bounce back mula sa 0-2 sweep sa kamay ng undefeated team Blacklist International kahapon.

Nag-pokus ang MPL rookie team sa pagkuha ng objectives at paghihintay sa kanilang power spikes bago isara ang bawat laro.


Susi ang disiplina mula kay Coach Panda

Credit: RSG Philippines

Sa post-match interview, sinabi ni rookie EXP laner Nathanael “Nathzz” Estrologo na nakuha na nila ang disiplinang kinakailangan bilang isang koponan dahil kay MPL PH Season 3 at Southeast Asian Games champion coach Brian “Panda” Lim.

“Opo (nakuha na namin ‘yung disiplina). Sa tulong po ni Coach Panda, sa draft niya at ‘yung mga turo niya po sa’min,” ani ni Nathzz.

At dahil sa disiplina galing kay Coach Panda, naniniwala ang beteranong tank/roamer na si EJ “Heath: Esperanza na mas naging mahusay na sila sa pagpapanatili ng kanilang kalamangan at tuluyung pagsara ng isang laro.

“Mas kaya na po namin mag-end (ng) game ngayon. Kasi ‘di ba nung mga nakaraan po, parang lagi kaming lamang pero hindi namin ma-end ‘yung game. Parang naba-balance na po namin ngayon,” wika ni Heath.

Dagdag pa ni “Mr. Fundamental”, kung dati ay tila nagmamadali sila sa pagtapos ng mga laro, ngayon ay mas kalmado at methodical na sila.


RSG umangat sa standings

Credit: RSG Philippines

Dahil sa pagtala ng kanilang unang 2-0 panalo ngayong season, lumundag ang RSG mula sa No. 6 papunta sa No. 3 sa kasalukuyang eight-team standings na may 11 points at 5-3 record.

Nagpatuloy naman ang paghihirap ng TNC matapos bumagsak sa four-game losing streak at overall na 2-5 slate. Nanatili ang koponan sa No. 7 na may six points.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports Philippines

Sundan ang mga istorya sa MPL Philippines Season 8 sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines. Mapapanood ang mga aksyon sa liga sa opisyal na Facebook at YouTube channel nito.

Para sa schedule at mga resulta, bisitahin ito: MPL PH S8 Regular Season: Kumpletong schedule, weekly results, standings at kung saan mapapanood