Nagtagumpay ang RSG Philippines laban sa Onic Philippines sa isang three-game series sa Week 3 ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8.

Tuluyang pinutol ng RSG PH ang win streak ng dating undefeated na Onic PH nang tapusin nila ang series sa score na 2-1, magandang bawi rin ito mula sa kanilang pagkatalo sa kamay ng NXP Evos noong nakaraang araw.

Nagsilbing winning factor ng RSG PH ay ang pagiging epektibo ng kanilang Death Ball style laban sa Split-type strategy ng Onic. Kapansin-pansin din ang nakakabilib na early game control ng RSG PH sa lahat nang games sa series.

Sa post-game interview, ibinahagi ng Game 3 MVP na si John Cedrix “Demonkite” Caranto ang diskarteng ginawa nila laban sa Onic PH. “Binantayan po namin yung mga kilos nila, especially si Kairi at si Baloy,” sabi ni Demonkite. “May mga strategies silang ginagawa. Yun po talaga yung pinag-aralan namin.”

MLBB MPLPHSeason8 Demonkite MVP
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

Nang tanungin kung paano nag-regroup ang team upang makabangon sa kanilang lose streak nitong mga nakaraang araw, direkta ang sagot ni Demonkite. “Pagkatapos po ng pangalawang talo, lahat po kami gigil manalo ulit,” ibinahagi ni Demonkite. “Nag-reset po, nag-focus po ulit kahit na medyo na-down po kami [dahil] dun sa mga huling pagkatalo. Pero kailangan pa rin po naming bumawi kasi hindi pa po tapos yung laban.”

Tungkol naman sa mga pagbabagong ginawa nila para sa kanilang team, sinabi ni Demonkite na pinilit nilang ma-improve ang kanilang decision-making skills upang maiwasan ang pagpa-panic tulad nang nangyari nang matalo sila sa kamay ng Omega Esports.

“Inisip namin kung paano aayusin yung ganoong pangyayari sa game. Tapos ayun, na-improve po namin tsaka na-apply namin.”