Mula sa pagiging amateur standout, unti-unting gumagawa ng pangalan ngayon si RSG PH rookie jungler John Cedrix “Demonkite” Caranto sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines.

Malaki ang naging papel ni Demonkite sa isa na namang 2-1 stunner kontra sa Bren Esports na nagkumpleto ng season sweep para sa league rookie na RSG laban sa M2 world champion sa MPL PH Season 8, Linggo ng gabi.

Gamit ang Ling, nakipagsanib pwersa si Demonkite kay sa Kagura ng gold laner nilang si Arvie “Aqua” Antonio upang buhatin ang RSG papunta sa dominanteng 15-5 panalo sa loob lamang ng 13 minuto sa Game 1.

Matapos maitabla ng Bren ang serye, nag-init naman ang dating star player ng amateur team na JNA Esports sa kanyang jungle Paquito. Malaki rin ang naging ambag ng Rafaela ng beteranong tank/support na si EJ “Heath” Esperanza noong Game 3, na tumagal nang 15 minuto.

“Motivated po kasi kaming lahat na manalo kada game. Pursigido po kami na ipanalo lahat ng laban,” sabi ni Demonkite sa post-match interview.

Dahil sa panalo, umangat ang RSG sa No. 5 sa standings na may 8 points (4-2) sa pagtatapos ng Week 3 ng naturang liga.


Ang pinaghuhugutan ni Demonkite ng kumpyansa

Kapansin-pansin ang consistent na performance ni Demonkite sa MPL. Kaya naman nang matanong siya tungkol dito, ibinahagi ng 18-year-old player mula sa Mandaluyong kung ano ang nakakatulong sa kanya na mailabas ang kanyang laro maging sa professional scene.

“Nakakatulong po sa’kin ‘yung pagpa-practice at mga laro na naipapanalo namin kasi mas nagiging confident ako sa laro ko ‘pag nananalo po kami,” ani niya.

Isa si Demonkite sa mga dahilan kung bakit tinatawag na “king slayers” ngayon ang RSG PH na pinatikim ang Onic PH ng una nitong pagkatalo noong Biyernes at pinataob rin ang Echo Philippines noong Week 2.


Susubukan nila Demonkite at RSG na patunayang sila nga ang ‘Kingslayer’ sa kanilang laban kontra sa reigning MPL PH champion at undefeated squad na Blacklist International sa ika-17 ng Setyembre, sa ganap na ika-walo ng gabi.

Mapapanood ang mga laro sa MPL Philippines Season 8 sa Facebook at YouTube channel ng liga. Masusundan din ang schedule at mga resulta ng MPL PH sa ONE Esports Philippines.