Hatid sa inyo kasama ang Samsung.

Isa si Hylos sa pinakamaiinit na hero ngayon hindi lang sa ranked games kundi pati sa professional matches ng Mobile Legends: Bang Bang.

Sa katunayan, kasama ang naturang tank sa mga pinaka-contested na heroes sa parehong gumugulong na MPL Philippines at MPL Indonesia Season 14 dahil sa ibinibigay niyang flexibility para sa mga EXP laner at roamer.

Mayroon siyang taglay na malaking base HP, at pinapayagan siya ng kaniyang Thickened Blood passive na ikonsumo ang HP niya sa halip na mana upang magamit ang kaniyang skill set na pinaghalong opensa at depensa.

Roam na role sa Mobile Legends
Credit: Moonton Games, ONE Esports
MLBB 101: Ang Roam na role, mga dapat gawin, at mga hero para dito

Ang unang skill ni Hylos na Law and Order ay nagbibigay ng karagdagang movement speed at nakaka-stun ng target. Magic damage per second (DPS) kasama ang movement at attack speed slow naman ang epekto ng second skill niya na Ring of Punishment.

Mabisang team fight skill ang kaniyang ultimate na Glorious Pathway, na nagpapabilis sa kaniyang mga kakampi habang pinapabagal naman ang mga kalaban na nasa area of effect (AoE) nito. Nagkakaloob din ito sa kanya ng malaking HP regeneration at slow immunity habang nasa Pathway.

Upang masulit ang potensyal ni Hylos, kakailanganin mo ng mga item na nagpapataas ng kaniyang HP, mana, at pangkalahatang depensa. Sa ONE Esports guide na ito, ibabahagi namin sa inyo ang tatlong core items na swak para sa Grand Warden.

Tatlong core items na dapat mong bilhin kay Hylos, EXP laner o roamer ka man sa Mobile Legends

Thunder Belt

Credit: Moonton Games, ONE Esports

Una sa listahan ng core items para kay Hylos ang Thunder Belt. Nagbibigay ito ng +800 HP, +15 physical at magic defense, at +20 movement speed.

Pero ang passive nito na Thunderbolt ang dahilan kung bakit sulit na first item ito. Kada apat na segundo kasi ay pinapalakas nito ang iyong basic attack para makapagdulot ng true damage.

Dagdag pa rito, sa tuwing nagagamit mo ang enhanced basic attack sa kalabang hero, permanenteng nadadagdagan nang isa ang iyong hybrid defense, na kombinasyon ng physical at magic defense.

Magandang makuha ito sa early game pa lang upang mabilis kang makaipon ng hybrid defense stack na siyang makakatulong sa’yo na tumangke ng damage sa mid hanggang late game.

Dominance Ice

Dominance Ice sa Hylos background sa Mobile Legends
Credit: Moonton Games, ONE Esports
3 dahilan kung bakit sulit ang Dominance Ice sa lahat ng tank

Pagtapos buuin ang Thunder Belt, agad na isunod ang Dominance Ice. Naggagawad ito ng +500 mana, +55 physical defense, at +5% movement speed.

Bukod pa sa mga flat stats na swak para sa’yo bilang Hylos, mayroon ding dalawang unique passive ang Dominance Ice na mabisa sa mga clash.

Una na riyan ang Lifebane, na nakakabawas ng HP regen at shield ng kalaban. Ikalawa ang Arctic Cold, na nakakapagpababa ng attack speed ng umaatake sa’yo.

Dahil ikaw ang magsisilbing tangke ng iyong koponan sa mga team fight, siguradong mati-trigger ng mga kalaban ang passive effects ng iyong Dominance Ice.

Clock of Destiny

Clock of Destiny sa Hylos background sa Mobile Legends
Credit: Moonton Games, ONE Esports

Isa pang item na bagay na bagay para kay Hylos — bilang EXP laner o roamer man sa Mobile Legends — ang Clock of Destiny. Nagkakaloob ito ng +45 magic power, +400 HP, at +800 mana.

Hindi tulad noon na kailangan mo pang mag-stack ng CoD, ngayon ay agaran nang umeepekto ang mga passive nito.

Isa sa mga passive ng naturang item ang Destiny, na magbibigay sa’yo ng Hybrid Defense na nag-i-stack sa loob ng limang segundo kapag nakakabitaw ka ng magic damage sa kalabang hero. Madali mo itong mati-trigger gamit ang magic DPS ng Ring of Punishment.

Ang ikalawang passive ng CoD na Gift ay naghi-heal ng 15% ng iyong HP at mana kapag nangalahati ang mga attribute na ‘to. Magagamit mo ang passive na ito kada isang minuto, na sapat nang cooldown para magamit ito sa bawat team fight na magaganap.

Credit: ONE Esports
Athena’s Shield o Radiant Armor? Alamin kung ano ang dapat bilhin na item in-game

Mainam na sundan ang core items na ‘to ng mga pangdepensa upang lalong mapalakas ang iyong potensyal na tumangke ng damage mula sa kalaban. Ikonsidera ang Antique Cuirass o Blade Armor para sa physical damage, at Athena’s Shield at Radiant Armor naman para sa magic damage.

Pwede ka ring bumili ng Guardian Helmet para lalong mapalaki ang iyong HP, at Immortality naman kapag masyadong tumagal ang laro upang mayroon kang ikalawang buhay na importante sa mga mahahabang clash.

BASAHIN: Jungle Dyrroth best build sa Mobile Legends: Solidong emblem set at item build