Kasabay ng pananatiling undefeated ng ECHO sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 9 (MPL PH Season 9) ang pagkamada ni Jankurt “KurtTzy” Matira para sa kaniyang number 1 ranked team.

Nagtala ng impresibong 4/1/7 average KDA ang beteranong midlaner papunta sa kaniyang unang MVP of the Week gantimapala para sa Week 3.

Credit: MPL Philippines

Bagamat isang match lamang ang kinabilangan ng kaniyang koponan ay hindi maitatanggi ang laki ng inambag ni ECHO KurTzy in-game, lalo pa’t kaharap nila ang kasing-init na RSG Philippines noong Day 2.


Sabog ang RSG PH kontra sa killer mages ni ECHO KurTzy

Credit: MPL Philippines

Kontra RSG PH, ipinakita ni ECHO KurTzy ang kaniyang husay sa mid hawak ang Selena sa Game 1 at Pharsa naman sa Game 2. Epektibo ang vision at map control ng kaniyang Selena, dahilan para magwala ang Aulus ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno na gumiba sa maagang kalamangan noon ng RSG.

Habang sa Game 2, napakamot-ulo na lamang ang mga Raiders sa gilas ng Pharsa ni KurtZy na lumapnos sa enemy heroes para pagulungin ng push ng ECHO. Nagtala ang midlaner ng swabeng 6/2/10 KDA kasama ng 84% kill participation.


Consistent si KurTzy para sa ECHO ngayong MPL PH S9

Nakatingin man ang lahat sa apat na superstars na sumapi sa koponan noong offseason, pinapatunayan ni ECHO KurTzy na siya ang sentro ng atake ng tinaguriang “Super Team” ng MPL PH.

Desimulado ang galaw ng midlaner para sa ECHO na muli’t-muling nagbubukas ng oportunidad para sa kaniyang team na umabante sa pamamagitan ng pagselyo ng importanteng kills. Kung susuriin ang pinakahuling bilang mula sa MPL PH, top 5 sa parehong average kills at total kills stat lines ang beterano.

Credit: MPL Philippines

Mas nakakabilib na malaman na bukod sa kabilang siya sa kill leaders katabi ng mga bigating pangalan tulad ng kaniyang kakampi na si KarlTzy, Kairi “Kairi” Rayosdelsol, Jonard “Demonkite” Caranto at Kiel “OHEB” Soriano, namumukod-tanging midlaner si ECHO KurTzy sa listahan.

Kung maipagpapatuloy ng midlaner ang kaniyang epektibong galaw sa mga susunod na matches ng ECHO ay hindi malabong manatili na undefeated ang koponan.

Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa MPL sa Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Bennyqt ibinunyag ang susi sa tagumpay ng ECHO sa MPL PH Season 9