Nanatiling undefeated ang ECHO matapos walisin ang RSG PH sa kanilang paghaharap noong ikatlong linggo ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9 regular season.

Bilang ang tanging koponan na wala pa ring bahid ng pagkatalo ang standings, naungkat sa post-game interview na pinaunlakan nina Frediemar “3MarTzy” Serafico at Benedict “Bennyqt” Gonzales ang susi sa tagumpay ng ECHO sa gumugulong na liga.


Ang susi sa tagumpay ng ECHO sa MPL PH Season 9

Bennyqt ibinunyag ang susi sa tagumpay ng ECHO sa MPL PH Season 9
Credit: MPL Philippines

Bagamat nagawang walisin ng binasangang ‘super team’ ang kanilang kalaban, hindi naman basta-basta isinuko ng RSG PH ang bawat tagumpay. Nagawang kasing kontrolin ng koponang pinalalakas nina Eman “Emann” Sangco at Jonard “Demonkite” Caranto ang ilang bahagi ng laban sa parehong mapa.

Bakas din ang naging improvement ng RSG PH matapos maglaro on-site sa kauna-unahang pagkakataon kahapon kontra TNC Pro Team. Gayunpaman, nanaig pa rin ang ECHO sa best-of-three.

“Di lang kami magkaka-team, magkakaibigan din talaga kami lahat. Lahat kami may tiwala sa isa’t-isa kahit may magkamali… hindi namin dina-down, hinahayaan lang namin, chini-cheer up lang namin. So, feeling ko ‘yun ‘yung… recipe namin,” sagot ni Bennyqt nang tanungin ang susi sa tagumpay ng ECHO.

Sinangayunan ito ni 3MarTzy. Dagdag niya, malaking bagay ang tibay ng kanilang samahan sa dahilan kung bakit mahirap silang talunin.

Naging patunay ang pahayag nilang ito sa ipinakita nilang galawan sa laro. Sa nasabing serye, dalawang magkaibang manlalaro ang hinirang bilang ang MVP—una ang Aulus ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno tsaka ang Pharsa naman ni Jankurt “KurtTzy” Matira.


Dahil sa kanilang panalo kontra RSG PH, ECHO na ulit ang nangunguna sa standings nang may 11 puntos mula sa 4-0 na win-loss record. Sinusundan sila ng TNC Pro Team, na tingin nila’y pinakamahirap na kalaban, na may 10 puntos.

Nakatakdang ituloy ng ECHO ang kanilang kampanya sa MPL PH Season 9 kontra ONIC PH sa ika-11 ng Marso sa ganap na ikawalo ng gabi.

Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Coach BON CHAN matapos ang unang panalo ng Blacklist sa S9: ‘Malapit na tayo doon sa hinahanap nating form, konting tiyaga pa’