Kinailangan man ng dalawang mahabang laro kontra Bren Esports, hindi na nagpapigil ang Blacklist International na iselyo ang kanilang unang series win sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 9.

Matapos ang unang ng panalo ng Blacklist sa S9, bakas ang kumpiyansa sa mga pahayag ni Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza sa post-match interview kung saan tiniyak niya na malapit nang mabuo ang “form” na hinahanap niya para sa M3 World Champions.


BON CHAN umaasang maipagpapatuloy ng BLCK ang momentum sa mga susunod na matchups

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Sa parehong panayam katuwang si Kent Xavier “KEVIER” Lopez, binalikan ng batikang coach ang kaniyang mga pahayag noong unang dalawang linggo ng season kung saan nangapa ang paboritong team. Ngayong nailista na ang unang panalo ng Blacklist sa S9, binanggit ng coach ang inaasahan niyang mangyayari sa mga susunod na linggo.

“Second week pa lang,  gaya ng prinomise ko. Aabante tayo pagdating ng 3rd week. Ayon hopefully nagkakatotoo yung nasa plano namin. Lahat ng timeline namen sana masunod at magkakatotoo,” kuwento ng beterano.

Kasabay nito, inilahad din ng utak ng team ang pinagdadaanang proseso ng koponan sa gumugulong na torneo. Aniya, “Kinulang talaga kami ng oras para sa preparation. So parang may sinusunod kaming curriculum niyan eh. May sistema kaming sinusunod.  Kinakailangan talaga namin ng oras para ma-fill in yung mga gap na hindi pa natututunan ng team.”

Mababalikang inulan ng batikos ang back-to-back MPL champions matapos ang 0-4 simula sa kanilang ikalawang tangka na depensahan ang MPL korona. Matapos ang unang panalo ng Blacklist sa S9, may mensahe ang beteranong coach para sa mga fans ng kanilang koponan, “Malapit na tayo doon sa hinahanap nating form, konting tiyaga pa.”


Uranus ni Edward susi sa unang panalo ng Blacklist sa S9

Screenshot ni Calvin Trilles/ONE Esports PH

Walang kasing-tikas ang ginawang maniobra ni Edward Jay “Edward.” Dapadap sa kaniyang Uranus na hinakawan niya sa dalawang laro kontra Bren esports para tulungang makuha ang unang panalo ng Blacklist sa S9.

Sa game 1, epektibo ang ginawang pang-zozone ng EXP laner para mabigyan ng espasyo sina Kiel “OHEB” Soriano na hawak ang kaniyang Clint at KEVIER sa kaniyang Ling para kumuha ng importanteng kills at makaselyo ng objectives.

Screenshot ni Calvin Trilles/ONE Esports PH

Ganoon din ang ipinakitang utility play ng MPL PH Season 7 MVP sa game 2 kung saan epektibo ang ginawa niyang pangmamama sa Bren para tuluyang makuha ng kaniyang mga kakampi ang Lord objective para makuha ang game 2 na tumagal ng halos 25 minuto.

Screenshot ni Calvin Trilles/ONE Esports PH

Naglista si Edward ng magkasunod na 3/1/5 at 2/2/11 KDAs para bigyang daan ang unang panalo ng Blacklist sa S9.

Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa iba pang balita tungkol sa MPL.

BASAHIN: Hadji bilang jungler malabo mangyari ngayong MPL PH S9 ayon kay Coach BON CHAN