Nilinaw ni Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza ang malaking rason kung bakit hindi niya isinasalang sa jungler position ang kasulukuyang midlaner/roamer na si Salic “Hadji” Imam sa pagpapatuloy ng kampanya ng Blacklist International sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 9.

Karugtong ito ng delubyo na kinahaharap ng defending champions ngayong season kung saan nanatili silang walang panalo sa tatlong seryeng nilaro. Kasabay nito, umaaalingawngaw ang mungkahi ng mga miron na ibalik si Hadji bilang jungler, ang role na huli niyang hinawakan bago sumapi sa koponan ng Tier One.


Inamin ni BON CHAN na mahihirapan bumalik si Hadji bilang jungler

Matapos kapusin kontra Nexplay EVOS sa kanilang Week 2 Day 1 matchup, hinarap muli ni BON CHAN ang media at fans kung saan pinaliwanag niya kung bakit malabong gumanap muli si Hadji bilang jungler para sa kasulukuyang team.

Credit: Blacklist International

Banggit ng coach, “Mahihirapan si Hadji kapag bumalik siya ng jungle dahil maglalaro siya sa SIBOL as pos 4 and pos 5. So pagbalik niya ng SIBOL at nag-jungle siya kailangan na naman niya mag-adjust para maging pos 4 at pos 5.”

Matatandaang parte ang binansagang “KDA Machine” sa roster ng Blacklist International na nanalo sa SIBOL MLBB Phase 2 Qualifiers. Kasama ang dekoradong V33Wise duo, dadalhin ni Hadji ang bandera ng Pilipinas sa paparating na Southeast Asian Games (SEA Games 2022) at iba pang international competitions.

Screenshot ni Calvin Trilles (ONE Esports PH)

Kung gugulong raw ang pagbabalik ni Hadji bilang core ay mapupurnada daw nito ang development ng pro bilang support player. “So kung ilalagay natin siya sa jungle, unang-una kailangan niya ng matagal na panahon para magamay uli yung jungle, yung rotation ng jungler and pagdating nanaman ng SIBOL, babalik nanaman siya para mag-adjust sa pos 4 pos 5. So hindi siya possible.”

Biro pa nga ni BON CHAN, “Pinahirapan niyo naman si Hadji ‘pag ganun.”

Susunod na makakaharap ng Blacklist International ang ECHO Philippines sa Week 2 Day 3 ng MPL PH.

Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa MPL sa pamamagitan ng pagsubaybay sa Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Ganito ipinaghambing ni Coach BON CHAN ang dinamiko ng Blacklist lineup ngayon at noong nakalipas na seasons