Iniinda man ngayon ng paboritong Blacklist International ang nakadidismayang 0-2 entrada sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 9 ay maliwanag na hindi natinag ang tiwala ni Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza sa kaniyang koponan.

Kapansin-pansin ito nang hinarap niya at ng kaniyang coaching staff ang media sa post-game interview matapos matisod ng TNC Pro Team ML, 0-2, sa kanilang Week 1 Day 2 matchup.

Kasabay ng kaniyang apela sa mga fans, hindi naman itinago ng batikang coach na may pagkakaiba sa dinamiko ng Blacklist lineup ngayon at noong nakaraang season.


Nagbigay si BON CHAN ng simpleng analohiya para ilarawan ang Blacklist lineup

Credit: Tier One Entertainment/ Screenshot ni Calvin Trilles (ONE Esports PH)

Sa parehong post-match interview, ginawang simple ng M3 World Championship coach ang paliwanag tungkol sa dinamiko ng Blacklist lineup noon at ngayon.

Ani ni BON CHAN, malaking bagay ang inambag nina Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna at Danerie “Wise” Del Rosario para sa kanilang koponan. Pagpapalawig pa ng coach, tumayo raw bilang mga magulang ng mga mas nakababatang miyembro ng roster ang V33Wise duo na sila ring umaruga at sumaway sa mga ito.

“Noong S7 at S8, nandoon yung mga parents nila eh. Sila V33 at si Wise at yung mga bata, naalagaan ng maayos dahil sumusunod sila sa parents nila. Ang kaibahan ngayong S9, yung mga bata iniwan ng parents nila pero hindi pa sila sanay mabuhay ng mag-isa. ” paglalarawan ng back-to-back MPL champion.

Credit: Moonton

Bagamat lumalarga ngayong MPL PH Season 9 ang blacklist lineup ng wala ang mga haligi ng team, dito naman daw pumapasok ang lawak ng karanasan ng beteranong si Mark Jayson “ESON” Gerardo. “Dahil hindi pa sila sanay mabuhay ng mag-isa, andito si Uncle Eson nila para alagaan sila,” banggit ni Coach BON CHAN.

Gayumpaman, may pagkakaiba raw ang pamamaraan kung paano inaalagaan ng V33Wise at ni Uncle Eson ang mga batang stars sa blacklist lineup. Biro ni BON CHAN, “Iyon nga lang ang kaibahan, yung parents na V33Wise, strikto sila. Ang uncle eson nila, spoiled sila.”

Ipinagpatuloy ng coach ang siste, “Kung ano yung gusto nila gawin sa laro ng mga bata, pinagbibigyan ni Uncle Eson nila kasi si Uncle Eson ay mabait sa mga bata. Samantalang dati noong nandoon ang parents nila, strikto ang parents nila. Pag sinabeng uwi na, uwi na yang mga yan.”

Magagawa ba ng Blacklist na baliktarin ang kanilang season? Antabayanan ito sa Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Ito ang payo ni Coach BON CHAN sa bagong Blacklist jungler na si KEVIER bago magsimula ang MPL PH S9