Sa paparating na MPL Philippines Season 9, sasandal ang dekoradong Blacklist International sa kanilang bagong jungler na si Kent Xavier “KEVIER” Lopez na susubukang pamarisan ang kalibreng dala ng kaniyang mga kasangga na kailan lamang ay inuwi ang M3 World Championship.

Malaking responsibilidad agad ang kakaharapin ng 15-taong gulang na pro na tatangkaing punan ang iniwang puwang ng V33Wise duo sa Blacklist roster. Karugtong nito, hindi malabong magiging laman ng balita ang bawat performance na ipapakita ni KEVIER ngayong season, lalo pa’t nakatuon ang enerhiya ng mga MPL PH teams na pabagsakin ang dinastiyang nabuo ng koponan ng Tier One.

Kaya naman patuloy ang pagpapalakas ng loob ni Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza sa kaniyang rookie na binahagian niya ng ilang mga payo bago pa man magsimula ang regular season.


Dapat mag-focus si KEVIER sa kaniyang sariling strengths

Credit: Tryke Gutierrez

Sa isang eksklusibong panayam kasama ang ONE Esports Philippines, inilarawan ni Coach BON CHAN kung paano niya patuloy na ginagayak ang bagong jungler para maabot nito ang kaniyang potensyal.

Ani daw niya kay KEVIER ay ituon ang kaniyang atensyon sa kaniyang kakayahan at sariling istilo, at iwasang ikumpara ang galawan sa ibang junglers. “Dapat mag-focus siya sa strength niya (KEVIER) at ‘wag gayahin ang strength ng iba,” banggit ng beteranong coach.


Coach BON CHAN: ‘Wala kang dapat ikatakot

Credit: Blacklist International

Bukod sa dapat panindigan ni KEVIER ang kaniyang sariling playstyle, patuloy ding ipinapaunawa ni BON CHAN sa kaniyang jungler ang pananalig na dapat ibigay niya sa kaniyang sarili kahit pa dekorado ang mga kakampi na kasama niyang sasabak sa Season 9.

Matatandaan na hinirang na MPL PH Season 7 MVP si Edward “Edward” Dapadap, at sa MPL PH Season 8 naman ay MVP ang ngayon ay Blacklist team captain Salic “Hadji” Imam. Habang sa M3 World Championship naman noong nakaraan, MVP rin si Kiel “OHEB” Soriano.

Credit: Moonton

Sa halip raw na tumiklop ang rookie jungler sa pressure ay dapat daw lalo siyang ganahan. Inilarawan ni Coach BON CHAN ang sinabi niya sa newbie, “Kasama niya pa rin ang 3 MVP’s at isang veteran. Wala siya dapat na ikatakot”

Sundan ang kampanya ng Blacklist International sa MPL PH Season 9 sa pamamagitan ng pagsubaybay sa Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Blacklist International vs ONIC PH unang pasabog ng MPL PH S9