Itinanghal si Blacklist International star gold laner Kiel “OHEB” Soriano bilang M3 World Championship Grand Finals Most Valuable Player (MVP).

Nakatanggap si OHEB, na tinaguriang “The Filipino Sniper” sa world tournament, ng US$10,000 (halos P500,000) na premyong kaakibat ng naturang individual award.

Bukod pa ito sa parte ng 17-year-old pro mula sa US$300,000 (mahigit P15 milyon) grand prize na nakuha ng Blacklist matapos i-sweep ang ONIC PH sa huling serye ng crowning event ng Mobile Legends: Bang Bang ngayong taon.


Ang malupit na performance ni OHEB sa M3 World Championship

Credit: Moonton

Makailang ulit na pinangalanang MVP sa mga laro si OHEB at kadalasan dahil ito sa kanyang mga malulupit na galawan gamit ang Beatrix, Clint at iba pang marksman heroes.

Sa kabuaan, itinala ni OHEB ang pinakamaraming kills sa M3 (156) at pumangalawa kay Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna pagdating sa average KDA (7.3).

Malaki ang ginampanan niya sa nagliliyab na lower bracket run ng Blacklist International na naglista ng limang series victories kabilang na ang pagbawi nila sa BloodThirstyKings ng North America.

Hindi rin nagpakita ng kaba ang rising star pagdating ng Grand Finals at pinagpatuloy ang kanyang magandang ipinakita sa torneo.

Pinangunahan niya ang panalo ng back-to-back MPL PH champs sa Game 1 kontra ONIC PH gamit ang kanyang Clint na tumikada ng 5-5-10 KDA at 83% kill participation, at bumitaw ng pinakamalaking damage na umabot ng 107K.

Ito’y sa kabila ng mahirap na panimula na kanyang naranasan matapos siyang makailang-ulit patumbahin ng ONIC.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Si OHEB pa rin ang hinirang na MVP sa Game 2 matapos pumukol ng 8-1-8 KDA (84% kill participation) at nagpakawala ng 73K damage gamit naman ang Beatrix.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Maganda rin ang ipinakita niya sa kanyang Natan sa Game 3 (3-4-2) at Beatrix ulit sa Game 4 (6-1-3) para tuluyang mahawakan ng Blacklist ang inaasam nilang world championship trophy.


I-like ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita at guides patungkol sa Mobile Legends.