Hindi binigo ng paboritong Blacklist International ang mga miron makaraang pauwiin ang BloodThirstyKings sa M3 Lower Bracket Finals, 3-1 at bigyang daan ang inasahang All-Filipino Grand Finals sa M3.


Blacklist pinauwi ang BTK, 3-1

Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Umaatikabong Game 4 ang nasaksihan ng Mobile Legends fans tampok ang bakbakan sa late game kung saan nakipagpalitan ng suntok ang BTK sa Blacklist.

Bagamat nanalo sa isang clash sa top lane ang mga taga-NA sa ika 24 minuto ng laro kung saan napitas ang tatlong miyembro ng Blacklist, hindi nagpapigil ang mga Pinoy na matapang na sinimulan ang engkwentro sa ika-25 minuto.

Laman ng highlight reels ang ginawang Wild Charge ng Grock ni Salic “Hadji” Imam at Real World Manipulation ni Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna na kumitil sa tatlong miyembro ng BTK, at nagpagulong ng death push papunta sa 3-1 panalo.

Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Hindi man nagawang apulain ang Blacklist, nagpabilib pa rin ang NA reps partikular na sa Game 3 sa likod ng Roger ni MobaZane. Hawak nila ang momentum sa pagbubukas ng Game 4, ngunit hindi pinayagan ng MPL PH Champions na dumako pa ang serye sa decider.

Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Mulit-muling pinanis ng mga Pinoy ang tangka ng BTK sa naunang dalawang mapa, kung saan kalkuladong teamfights at henyong macro gameplay ang isinalang ng mga paborito sa tulong ng kumpiyansa na ibinigay ng Mathilda ni OhMyV33NUS.


All-Filipino Grand Finals sa M3 gugulong na

Credit: Moonton

Sa panalong ito, hindi lamang maipaghihiganti ng mga Pinoy champions ang upper bracket upset, matutupad na rin ang hiling ng Pinoy MLBB fans na magkaroon ng All-Filipino Grand Finals sa M3 tampok ang rematch ng Grand Finalists ng MPL PH Season 8 na Blacklist at ONIC Philippines.

Matatandaang umalingawngaw sa social media ang pangarap na ito kasunod ng dominanteng pagpapakita ng dalawang Pinoy reps sa pinakamalaking torneo ng MLBB.

Nauna ng sinelyo ng ONIC PH ang tiket sa Grand Finals ng pabagsakin nila ang BTK dominanteng 3-0 kung saan bumida ang ONIC PH midlaner na si Jaylord “Hatred” Gonzales.


Antabayanan ang magaganap sa All-Filipino Grand Finals sa M3 sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports Philippines sa Facebook!

BASAHIN: Coach BON CHAN nagkomento tungkol sa titulong ‘Indo-Killers’ ng Blacklist International sa M3