Tatlong laro lamang ang kinailangan ng ONIC Philippines para tabasin ang mga sungay ng BloodThirstyKings sa inantabayanang tapatan sa M3 Upper Bracket Finals.

Hatred, Dlarskie bumida sa M3 Upper Bracket Finals

Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Lapnos sa mga Pinoy ang mga pambato ng NA na sinimplehan lamang nila sa magkasunod na game 1 at game 2 sa magkasunod na 17-5 at 14-6 kill score.

Bagamat nanatiling kampante ang BTK pagdako ng Game 3 nang nakawin ang Pharsa at Rafaela, hindi nagawang pigilan nina MobaZane ang madulas na Hayabusa ni Kairi “Kairi” Rayosdelsol na pinanis ang kapwa niya jungler

Credit: Moonton

Bukod dito, malaking bahagi ang ginampanan ng Yu Zhong ni Gerald “Dlarskie” Trinchera na sumalubsob sa mga teamfights para bigyang espasyo ang kaniyang mga damage dealers sa backline at tuluyang iligpit ang mga taga-NA.

Nauna ng magpakitang gilas si Jaylord “Hatred” Gonzales sa kaniyang magnipikong Pharsa sa Game 1 at Chou sa Game 2 sa mid para tulungan ang mga Pinoy kuhanin ang maagang 2-0 lead.

Sa M3 Upper Bracket Finals panalo, iseselyo ng ONIC Philippines ang unang tiket sa M3 Grand Finals at kahaharapin ang mananalo sa lower bracket finals tampok ang kasisipa pa lamang na BTK, ang naghahari sa lower bracket na Blacklist International, at ng EVOS SG.

Bukod dito, naipagpatuloy din ng ONIC PH ang kanilang undefeated record na ngayon ay umabot na ng 9 panalo sa tatlong sweep.


Sundan ang pinakamainit na balita sa M3 World Championship sa pamamagitan ng pagsubaybay sa Facebook page ng ONE Esports PH.

BASAHIN: Coach BON CHAN nagkomento tungkol sa titulong ‘Indo-Killers’ ng Blacklist International sa M3