Muling nagtagpo ang landas ng dalawang Pinoy teams na naglaban para sa MPL Philippines Season 8 Championship, ngunit world championship naman ang kanilang paglalabanan sa paggulong ng M3 Grand Finals!

Credit: ONE Esports PH

Sinubukang sulutin ng nagbabagang ONIC Philippines ang kampyonato mula sa Blacklist International para ipagpatuloy ang kanilang 9-0 upper bracket winstreak, habang tatangkain naman ng MPL champions na isakatapuran ang kanilang tadhana para maging kampyon ng mundo.


Blacklist International ang M3 World Champions!

Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Mistulang anim na minuto pa lamang ng Game 4 ay napagpasyahan na ng Blacklist International na kuhanin ang kampyonato ng M3.

Sa harap ng sopresang Natalia pick ng ONIC Philippines na inasahang kakatay sa gold lane ay umarangkada pa rin ang MPL PH champions sa likod ng Beatrix ni OHEB na nagtala ng 5 kills.

Hindi na nagawang pigilan ng upper bracket kings ang atake ng Blacklist na nilimas ang lahat ng outer turrets sa loob lamang ng 10 minuto, kasama na din ng pagkuha ng Lord objective na ginamit nila para basagin ang inhibitor turrets sa ika-11 minuto.

Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Hindi na lumingon ang grupo ng Tier One na tinapos ang laro sa loob lamang sa loob ng 13 minuto.


Blacklist kinuha ang 3-0 lead

Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Isang back and forth na laban ang inihandog ng parehong Pinoy team sa paggulong ng ikatlong serye, ngunit hindi napigilan ng ONIC PH ang damage output na inilabas ng Beatrix at Natan ng Blacklist na kumuha ng malaking 3-0 lead sa M3 Grand Finals.

Magkahalong sustain at pure damage output ang nagdala para sa lower bracket winner upang nakawin ang krusyal na game 3. Nanguna sa atake si OhMyV33NUS sa kaniyang Rafaela na malaki ang iniambag sa mga extended team fights.

Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Sa harap ng magnipikong Pharsa ni Markyyyy na patuloy na nanggambala sa push, naibaling pa rin ng Blacklist ang laban sa likod ng Esmeralda ni Edward na hinirang ding MVP ng Game 3.

Isang panalo na lamang ang kailangan ng Blacklist para iuwi ang M3 World Championship.

Beatrix ni OHEB, Pharsa ni Hadji nagpabilib sa Game 2

Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Max range ang laruan na ipinakita nina OHEB sa kaniyang signature Beatrix at Hadji sa kaniyang midlane Pharsa para itulak ang kalamangan ng Blacklist International sa BO7 M3 Grand Finals.

Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Tabla ang bakbakan hanggang ika-11 minuto ng laro, ngunit isang Lord dance ang pumwersa sa dalawang Pinoy team na simulan ang engkwentro.

Sa puntong ito nakuha ng MPL PH champions ang momentum ng mapitas ang damage dealers ng ONIC PH at nagbigay daan sa death push sa larong umabot lamang ng 13 minuto.

Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Hinirang na MVP ang “Filipino Sniper” sa kaniyang 8/1/8 KDA sa Beatrix. Kukuhanin ngayon ng PH champions ang maagang 2-0 abante at momentum papunta ng Game 3.


Blacklist ninakaw ang Game 1 kontra ONIC PH

Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Bagamat pinakaba ng matinding early game na dinomina ng Lylia ni Markyyyyy at Lancelot ni Kairi, kakaibang lebel ng Mobile Legends ang isinalang ng Blacklist pagdating ng midgame at late game kung saan nanaig ang kanilang komposisyon.

Matinding zoning ang iniambag ng Uranus ni Edward habang long range damage naman ang ibinigay ng Pharsa ni Hadji para tulungan ang kanilang damage dealers kontrolin ang mga prolonged team fights, partikular na sa Lord pit sa ika-20 minuto ng laro na nagpasya ng resulta ng M3 Grand Finals opener.

Screenshot ni Calvin Trilles ng ONE Esports PH

Nagpabilib ang “Filipino Sniper” sa kaniyang Clint na kahit pa naghabol sa early game ay naglabas ng sandamakmak na damage output pagdating sa mga krusyal na engkwentro para ipako ang 5/5/10 KDA.


Patuloy na ina-update ang article na ito base sa pinakahuling kaganapan sa M3 Grand Finals! Sundan ang mga kaganapan sa pamamagitan ng pag-refresh sa page na ito o sa pamamagitan ng pagsubaybay sa Facebook page ng ONE Esports Philippines!