Hindi muna sasabak sa susunod na season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) ang tanyag na duo ng Blacklist International na sina Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at Danerie James “Wise” Del Rosario.

Sa isang social media post, inanunsyo ng koponan na mananatili pa rin sa ilalim ng Tier One Entertainment ang dalawang manlalaro sa kabila ng kanilang desisyon na magpahinga muna para sa MPL PH Season 9.

V33Wise magpapahinga muna sa MPL PH Season 9
Credit: Blacklist International

“Both the players and the management agreed that this is the perfect time to take their much-needed break that will better equip them for another run in season 10 and a chance to defend our world championship title,” sulat ng Blacklist International.

(Napagkasunduan ng parehong manlalaro at ng management na ito ang tamang oras para magpahinga muna sila at makapaghanda para sa season 10 at madepensahan ang aming world championship title.)

Gagamitin daw nina V33Wise ang kanilang break para pagtuunan naman ng pansin ang kanilang personal goals maging ang kanilang mga pamilya.

Ipinabatid din ng Blacklist International ang pasasalamat nina V33Wise, lalo na sa kanilang fans dahil sa walang sawa nilang suporta sa kanila at sa buong koponan.


Ang kampanya ng V33Wise sa ilalim ng Blacklist International

Ang kampanya ng V33Wise sa ilalim ng Blacklist International
Credit: Moonton

Sumali ang V33Wise sa Blacklist International noong ikapitong season ng MPL PH mula sa ONIC Philippines.

Naging makabuluhan ang paglipat ng dalawang ito matapos nilang pangibabawan ang liga gamit ang tanyag na ‘UBE Strategy‘ na pinagbibidahan ng hero pool ni OhMyV33nus gaya ng Estes, Rafaela, Matilda, at iba pa.

Dalawang-sunod na kampeonato sa MPL PH ang naselyo ng Blacklist International sa tulong ng dalawang manlalaro. Nagtapos din sa first runner-up ang kanilang kampanya sa MLBB Southeast Asia Cup 2021 at ONE Esports MPL Invitational 2021.

Bago matapos ang 2021, sinugurado ng koponan na mananatili sa pangangalaga ng Pilipinas ang world championship title matapos nilang pagtagumpayan ang M3 World Championship. Winalis nila sa all-Filipino grand final ang ONIC Philippines sa iskor na 4-0.


Samantala, hindi pa inaanunsyo ng Blacklist International kung sino-sino ang mga manlalarong pupuno sa puwang na iniwan nina OhMyV33nus at Wise.

Ang kasalukuyang roster ng Blacklist International

  • Kiel “OHEB” Soriano
  • Edward Jay “EDWARD” Dapadap
  • Salic “Hadji” Imam
  • Mark Jayson “ESON” Gerardo (Sub)
  • Dexter “DEX STAR” Alaba (Sub)
  • Kristoffer Ed “BON CHAN” Ricaplaza (Coach)