Kung mayroong isang strategy sa Mobile Legends: Bang Bang na pinanday na ng panahon, isa ang Ultimate Bonding Experience o UBE Strat ng Blacklist International sa mga unang papasok sa isipan ng mga fans.

Hindi rin naman kataka-taka kung bakit.


Ano ang UBE Strategy?

UBE Strat ng Blacklist kontra sa NXPE sa kanilang Week 1 Day 2 matchup.

Ang diskarteng ito ng Blacklist ang gumimbal sa mga kupunang lumahok sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines Season 7, kung saan sinelyo nila ang malinis na 12-1 win loss card, at kalaunan ay ang kampyonato.

At hindi lamang sa lokal na eksena nambalagbag ang atakeng ito. Sa naganap na MSC 2021 noong nakaraang Hunyo, naging template ang strat na ito para sa international teams na lumahok.

Kinapos man kontra sa kababayang team na Execration, pinatunayan naman ng pinoy team na sila ang tunay na “meta-makers” at sila ang isa sa pinakamagagaling na teams sa buong mundo.


Paano binuo ni Coach Bon Chan ang UBE Strat ng Blacklist

Screenhsot ni Calvin A. Trilles/ ONE Esports PH

Kinapanayam ng ONE Esports Philippines si Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza para alamin kung paano niya hinulma ang hindi mabasag-basag na strategy na ito.

Ayon sa championship coach, puno’t-dulo ang mastery ng kaniyang mga players sa kani-kanilang mga heroes noong inuumpisahan niya ang konsepto.

Matatandaang isa sa mga top players sa mundo sa Rafaela at Estes si Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna na mistulang sentro ng sikat na diskarte ng MPL PH S7 champions.

Ngunit nilinaw ni BON CHAN na hindi lamang sa iisang player nakapunto ang strategy. Aniya, “dahil sa mga best and comfort heroes nila na need talagang sama-sama” gumana at patuloy na gumagana ang UBE.


UBE Strat ng Blacklist sa MPL PH S8

UBE strat ng Blacklist International kontra sa ONIC PH sa kanilang Week 3 Day 3 matchup.

Matapos kapusin kontra Execration sa MSC 2021, maraming fans ang nagsabing nabasag na ang UBE Strat ng Blacklist International. Gayunpaman, taliwas ito sa ipinapakita ng kupunan na ngayon ay wala paring talo sa MPL PH Season 8.

Mahigpit ang hawak ng Blacklist International at ONIC Philippines sa number 1 at number 2 spots sa pagdako ng midway…

Posted by ONE Esports Philippines on Sunday, September 19, 2021

Dahil sa matikas na performance ng kanyang kupunan, samu’t-saring approach ang iniimplementa ng mga kupunan kontra sa kanila kagaya na lamang ng pag-baban sa mga heroes ni OhMyV33nus at ni Danerie “Wise” Del Rosario.

Gayunpaman, may mga pagkakataong sinasadya ng mga kupunang iwan na bukas ang mga heroes ng sikat niyang midlaner. Ayon kay Coach BON CHAN, may halong gulat at pagtataka ang nararamdaman nila sa mga puntong ito.

“Minsan kasi, hindi na namin gaano pina-practice dahil panay lang na-baban. Now, need na namin siya isama ulit sa daily practice.”

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Bagamat nakatutok ang lahat ng MPL teams na dungisan ang kanilang malinis na record, mas may kumpiyansa raw si Bon Chan ngayon dahil mas lumakas pa ang UBE strat ng Blacklist sa pagpasok ni Salik “Hadji” Imam sa tank/support role.

“Malaking improvement yung addition of Hadji for more aggressive hero choices.”


Siguraduhing nakasubaybay sa mga eksklusibong istorya sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines!