Kung paghahambingin ang mundo ng National Basketball Association (NBA) at Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL-PH), madaling ikumpara ang bantog na Golden State Warriors sa defending champions na Blacklist International.

Bukod sa pagtatala ng pinakamatataas na wins sa kani-kanilang mga regular seasons, magkawangis din ang dinamiko ng kani-kanilang mga linuep. Kung may Splash Brothers (Stephen Curry at Klay Thompson) ang Golden State, mayroon namang V33Wise (Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at Danerie “Wise” Del Rosario) ang Blacklist.

Litrato ni Tammy David / Evident

At sa opisyal na pagdating ni Salic “Hadji” Imam sa puder ng MPL-PH Season 7 champions, pakiramdam ni Coach Kristoffer “BONN CHAN” Ricaplaza ay dumating na rin ang pinakahihintay nilang “Kevin Durant”.


Epekto ni Hadji sa Blacklist ayon kay Coach BON CHAN

Credit: MPL PH Facebook

Nakapanayam ng ONE Esports PH ang batikang coach upang alamin ang estado ng kupunan matapos ang pagpasok ng kanilang bagong player. Ayon kay Coach BON CHAN, tiwala ang team sa kargadang dala ni Hadji.

Mas mataas ang kumpiyansa ng kupunan ngayon ayon kay Coach, na sinabing “Puwede na ikumpara sa GSW nung pumasok si Durant.”

Binanggit din niya na may mga pagbabagong magaganap sa galawan ng kupunan ngayon. “Offensive line up [ang gagawin namin] unlike last season na more on defensive.”


Ang role ni Hadji para sa MPL PH S8

Isang malaking katanungan sa fans kung ano ang magiging role ni Hadji sa solido nang rotation ng Blacklist International lalo na’t jungle position ang nilaro niya para sa dati niyang kupunan.

Nilinaw ni Coach Bonn ito at sinabing maaaring ilagay sa position 4 o position 5 ang 18-anyos na pro.

Screenshot ni Calvin Trilles / ONE Esports PH

Kahit pa hindi ito ang natural niyang posisyon, panatag ang loob ni Coach dahil malaki ang impact na dala ng player sa mga games na nalaro niya noong nakaraang season kung saan binasagan pa nga siyang “KDA Machine”.


Reunion ito kasama si BON CHAN at Dexstar

Ang pagsanib ni Hadji sa Blacklist International ay nagmamarka din ng pagbabalik niya sa puder nina BON CHAN at Louise “DEX STAR” Alaba. Matatandaang nagsimula ang batang pro player kasama ang dalawang ito sa dating SxC Imbalance team.

Kalaunan ay inampon ang team na ito ng Indonesian Esports company na EVOS na sumabak sa MPL hanggang Season 4. Sa pag-atras ng EVOS sa MPL, pumasok ang Blacklist International sa eksena. Subalit, nakaselyo na ang spot ni Hadji noon sa SGD Omega (na ngayon ay Smart Omega) kung kaya’t hindi natuloy ang inaasahang reunion ng tatlo.

Nagkomento ang MPL PH S7 champion coach tungkol sa relasyon ng team ngayon sa bago nilang kakampi. “Kumportable sya dito. Tatlo kasi silang bata, tapos kami ni Dex, dati na niyang kasama.”

Ngayong luminya na ang mga bituin, magiging matagumpay kaya ang Blacklist kasama ang kanilang bagong star player na depensahan ang kanilang korona? Si Hadji na ba ang Kevin Durant ni Bon Chan? Malalaman natin yan sa pagbubukas ng MPL PH Season 8.