Iniinda ngayon ng M3 World Champions Blacklist International ang masalimuot na 0-2 record bilang panimula sa kanilang kampanya sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 9 (MPL PH S9). Sa kabila ng pag-uusig na natatanggap ng koponan ngayon, ibinahagi ng Blacklist coaching staff na kinakailangan lamang nila ng kaunti pang oras bago sumipa ang tunay na kalibre ng defending champions.

Dito isinentro nina Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza, Dexter “DEX STAR” Alaba at Aniel “Master The Basics/ MTB” Jiandani ang diskusyon sa kanilang post-game interview matapos mabigo kontra TNC Pro Team ML sa Week 1 Day 2 ng regular season.


Blacklist coaching staff hinimok ang mga fans na patuloy na magtiwala sa team

Credit: Tier One Entertainment/ Screenshot ni Calvin Trilles (ONE Esports PH)

Tinitiis ng paboritong team ngayon ang matarik na 0-2 win-loss card kasabay ng kanilang pagkatalo sa ONIC Philippines sa Day 1 sa score na 2-1, bago lumuhod kontra TNC sa 0-2 sweep. Gayunpaman, kumpidenteng hinarap ng Blacklist coaching staff ang mga fans para sagutin ang kanilang mga katanungan sa post-game presser.

Ani ni Coach BON CHAN, inaasahan na talaga nila na mahirapan ang team sa pagsisimula ng regular season. “Makakaranas at makakaranas tayo ng pagkatalo. Nasabi ko na din ‘to date sa mga vlogs ni Boss Tryke. Before magstart yung MPL, asahan niyo na first two weeks (na) mag-struggle tayo at heto na nga. Nangyayari na nga.”

Dagdag pa ng dekoradong coach, parte ng preparasyon ang struggle na ito para maka-adjust siya at ang kaniyang team sa atmospera ng liga. “Kung dati nasa UBE meta tayo, ngayon talagang pati ako nagaadjust sa assassin. Nasa chopseuy (stage) pa din kami ngayon.”

Kahit pa ganito ay tiniyak niya sampu ng kaniyang blacklist coaching staff na makakaraos ang koponan sa karanasang ito. Ani pa nga ni DEX STAR, “May mga tao naman na nandiyan para mag-support sa amin. Andiyan si MTB. Si Boss Rada. Bigyan niyo lang kami ng chance.”

Pinalawig ito ni Master The Basics, na sinabing mas gaganda pa ang performance ng team sa pagpapatuloy ng MPL PH Season 9.

“Mas nagfofocus talaga kami ngayon more on improvements. Pag dumating siguro yung time na okay na lahat, tsaka sila makakaexpect ng mga panalo,” paliwanag ng pinakabagong adisyon sa Blacklist coaching staff.

Dagdag pa ng analyst, “Mas na-open kami kung ano ang kulang namin sa team. Kasi kung nanalo kami these 2 days nato, hindi namin mao-open yung mga maling desisyon namin. Dahil nga sa pagkatalo, at least nakita namin kung ano yung butas.”

Manatiling nakasunod sa pinakahuling balita tungkol sa MPL PH sa pamamagitan ng pagsunod sa ONE Esports Philippines sa Facebook!

BASAHIN: TNC undefeated sa opening week ng MPL PH Season 9