Agad na nagpakitang-gilas si Renejay “RENEJAY” Barcarse sa kanyang bagong role bilang roamer para mailista ng Nexplay EVOS ang 2-1 panalo laban sa Blacklist International sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9.

Naglalaro man sa panibagong role, hindi nawala ang angas at eksplosibong galawan ng dating EXP laner na si Renejay upang dalhin ang NXPE sa ikalawang sunod na panalo sa liga.


RENEJAY bumida sa series decider gamit ang Edith

Credit: Nexplay EVOS

Naselyo ng Nexplay EVOS ang panalo sa Game 1 sa likod ng Beatrix ni rookie gold laner Mariusz “DONUT” Tan at asintadong Franco ni Renejay.

Pero hindi pumayag ang back-to-back MPL winner at M3 world champion Blacklist International na mawalis sa pamamagitan ng isang malupit na 20-minute comeback win sa Game 2.

Gaya sa unang dalawang laro, umariba agad ang NXPE sa early game ng series decider at dinomina ang mga team fight. Sa kabila nito, nanatiling matatag ang BLCK at tinangka pang patagalin ang laban para lalong lumakas ang Alice ni M3 MVP Kiel “OHEB” Soriano.

Ngunit hindi na hinayaan ni Renejay sa kanyang Edith na umabot pa sa late game. Sa huling clash, nahuli ni Renejay sina OHEB, Edward “EDWARD” Dapadap (Uranus) at Dexter “DEX STAR” Alaba (Rafaela) gamit ang knock-up mula sa Earth Shatter bago sila tuluyang burahin ng NXPE.

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Pinatumba ng NXPE ang mga natitirang miyembro ng BLCK para ipako ang dominanteng 11-1 panalo sa loob ng 14 minuto.

Tinanghal na MVP ng laro si Renejay matapos magtala ng perpektong stats na 2 kills at 8 assists (90% kill participation) at siyempre dahil sa winning play na ginawa niya–patunay na matikas pa rin ang laro ng 19-year-old pro sa kabila ng pagpapalit niya ng role.

Credit: MPL Philippines

Umangat ang kartada ng Nexplay EVOS sa 2-1 para sa limang puntos habang nanatiling walang panalo ang Blacklist International sa tatlong serye hawak ang kanilang dalawang puntos.

Hangad ng NXPE na ipagpatuloy ang kanilang winning streak kontra Bren Esports sa Linggo. Pero bago ito, susubukan ng Blacklist na makuha ang kanilang unang panalo laban sa “super team” ng ECHO.

Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa MLBB at MPL Philippines, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.