Pinagharian ng Blacklist International ang SIBOL 2022 Mobile Legends: Bang Bang National Team Selection matapos patumbahin ang Nexplay EVOS sa grand finals, 4-1, Linggo ng gabi.

Dahil sa tagumpay, nasunggaban ng M3 world champion team ang karapatan na ibandera ang Pilipinas sa 31st Southeast Asian Games na gaganapin sa Hanoi, Vietnam sa Mayo kung saan susubukan nilang depensahan ang gintong medalya ng bansa sa MLBB.

Sasabak din ang Blacklist sa iba pang international tournaments na lalahukan ng SIBOL national esports team.

Blacklist International tagumpay sa SIBOL MLBB qualifiers

Blacklist International tagumpay sa SIBOL MLBB qualifiers, pinataob ang Nexplay EVOS sa finals

Mainit ang tunggalian ng dalawang koponan sa Game 1 ngunit nagawang manaig ng Blacklist International sa deciding team fight sa 16-minute mark gawa ng malahalimaw na Brody ni Lee Howard “Owl” Gonzales.

Matapos mahuli ni Kyle “Dominic” Soto (Esmeralda) si Marius “Donut” Tan (Aldous) sa bot lane, napilitang mag-engage ang Nexplay EVOS at dito na sila inubos ni Owl na nakakuha ng maniac para ipako ang 18-13 panalo.

Credit: SIBOL
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Oras naman ni MPL Philippines Season 8 MVP Salic “Hadji” Imam na magpasiklab sa Game 2 gamit ang kanyang Lunox na tinunaw ang mga miyembro ng NXPE.

Nagtala si Hadji ng 9/3/6 kill-death-assist record at pinangunahan ang 3-for-1 trade sa river area sa bandang 14-minute mark para libreng makuha ng Blacklist ang Luminous Lord at ipako ang 2-0 series lead.

Credit: SIBOL
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Nakasungkit ang NXPE ng isang comeback 21-minute win sa Game 3 na sinindihan ng isang clutch Luminous Lord steal na ginawa ni rookie roamer Kenneth “Cadenza” Castro (Khufra).

Pero hindi na hinayaan ng Blacklist na bumida pa ulit ang Khufra ni Cadenza sa pamamagitan ng pag-draft ng Popol and Kupa ni captain Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at signature Yi Sun-Shin ni Wise.

Hindi nakapwesto at nakapag-initiate nang maayos si Cadenza dahil sa vision na binibigay ng V33Wise tandem at ito ang naging susi para dominahin ng BLCK ang NXPE sa loob ng 12 minuto.

Credit: SIBOL
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Hawak-hawak ang momentum, umarangkada na ang Blacklist International sa Game 5 patungo sa 10-5 victory sa likod ng isang napaka-methodical na performance.

Matapos dominahin ang early game sa pagsiguro sa objectives, pinatumba nila OhMyV33nus at kanyang mga kasamahan si John Paul “H2wo” Salonga (Karrie) at dalawa pa mula sa NXPE sa isang Lord fight bago magmartsa sa mid lane at iselyo ang isa na namang masakaysayang panalo.

Credit: SIBOL
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Ang kampanya ng Blacklist International sa SIBOL 2022 MLBB National Team Selection

Bilang kampeon ng M3 World Championship at MPL Philippines, nakatanggap ng direktang imbitasyon ang Blacklist International sa SIBOL MLBB Phase 2 Qualifiers.

Unang pinatumba ng Blacklist ang kapwa world champion na Bren Esports, 2-1, sa unang round ng Phase 2 bago ilista ang 3-0 sweep ang Nexplay EVOS kung saan na-penalty ang NXPE dahil sa technical delay.

Sunod na winalis ng koponan ng Tier One ang RSG Philippines sa upper bracket finals bago muling pabagsakin ang Nexplay EVOS.


Pwede niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita tungkol sa SIBOL national esports team.