Unang araw pa lamang ng SIBOL 2022 MLBB National Selection ay pasabog na agad ang nasaksihan ng mga miron. Matapos ang Day 1 ng tryouts, apat na teams ang umangat sa upper bracket at apat din ang mga koponang susubukan umakyat mula sa lower bracket.

Mga Resulta ng Day 1 ng SIBOL 2022 MLBB National Selection

RSG PH lusot kontra Smart Omega, 2-1

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Binuksan ng tapatan sa pagitan ng RSG Philippines at Smart Omega ang SIBOL Phase 2 MLBB Qualifiers Day 1 na binalangkas lamang ng isang engkwentro sa Game 3.

Isang clutch play mula sa Kagura ni Arvie “Aqua” Calderon ang nagselyo ng tadhana ng Omega ng pitasin niya ang Pharsa ni Patrick “E2MAX” Caidic at Clint ni Jhonville “OUTPLAYED” Villar sa likod ng set ng Khufra ni Dylan “Light” Catipon.

Binuksan ng pick offs ni Aqua ang mapa para makuha ng kaniyang koponan ang Luminous Lord at bigyang daan ang four-man wipe papunta sa 2-1 panalo.

Game 1 pa lamang ay ipinakita na ng RSG PH ang kanilang swabeng atake sa likod ng Kagura ni Aqua at Paquito ng MPL PH Season 8 Rookie of the Season na si Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto. Magilas ang maniobra ng parehong midlaner at jungler para bigyang daan ang 14-8 score sa 17 minutong panalo.

Gayunpaman, magilas na Gloo ni Renz “Renzio” Cadua ang tumulong sa Omega para itabla ang serye, 1-1. Mulit-muling ginulo ng EXP laner ang backlines ng kalaban para tulungang makapuwesto ang kaniyang damage dealers at ilista ang 17-10 win sa loob ng 16 minuto.


Hatred bumida sa 2-0 sweep ng ONIC PH kontra Origen Esports

Screenshot ni Calvin Trilles/ONE Esports PH

Kung anong lakas ang ipinakita noong M3 World Championship ay ganoon ding husay ang isinalang ng ONIC Philippines sa bakbakan kontra Origen Esports sa ikalawanag serye ng SIBOL 2022 MLBB National Team Selection.

Nilampaso ng mga M3 silver medalists ang bagitong team, 2-0 sa likod ng malulupit na plays ni Jaylord “Hatred” Gonzales na nagbabalik sa jungler position.

Screenshot ni Calvin Trilles/ONE Esports PH

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang ONIC PH jungler na sinagasaan ang Origen gamit ang kaniyang Lancelot sa game 1 para bigyang daan ang 15-3 score sa larong natapos lamang sa loob ng 9 minutes at 23 seconds. Malaki rin ang inambag ng kapitan na si Allen “Baloyskie” Baloy na kumana ng 5/0/10 KDA sa kaniyang Lylia.

Bagamat nagpakita ng tikas ang Origen sa Game 2 ay hindi ito naging sapat kontra sa Angela-Ling composition ng ONIC. Kasama ang shield at healing ni Ian “Beemo” Sergio ay makailang-ulit kinatay ni Hatred ang backlines ng Origen para baliktarin ang inaasahang upset. Nagtala ang jungler ng 5/2/10 KDA para tulungan ang kaniyang team umangat sa upper bracket.


NXPE winalis ang El Granador, 2-0

Screenshot ni Calvin Trilles/ONE Esports PH

Marami mang bagong mukha sa kanilang roster ay pinatunayan ng Nexplay EVOS na kasimbagsik sila ng koponan na nagtapos sa 3rd place finish sa MPL Philippines Season 8.

Hindi umubra ang atake ng El Grandor kontra sa team ni Setsuna “AkoSiDogie” Ignacio na pinatumba ang kalabang team, 2-0 sa ikatlong seryeng handog sa SIBOL 2022 MLBB National team tryouts.

Matikas man ang ipinakita sa Game 2 ay lumabas ang kalibre ng NXPE na pinulbos ang El Granador sa lord pit sa ika-16 minuto ng laro para pagulungin ang death push at iselyo ang sweep.

Sumandal sa likod ng Brody ni Mariusz “Donut” Tan ang MPL team na naglista ng episyenteng 5/1/5 KDA.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Bida sa Game 1 ang Paquito ni John Paul “H2wo” Salonga na nagtala ng 6/3/4 KDA para bigyan ng maagang kalamangan ang kaniyang NXPE squad.


Signature picks ni Wise binuhat ang BLCK kontra BREN, 2-1

Screenshot ni Calvin Trilles/ONE Esports PH

Tampok sa ikahuling laban sa SIBOL 2022 MLBB National Selection Day 1 ang banggan ng dalawang world champions na Blacklist International at BREN Esports.

Hindi bigo ang mga fans sa nasaksihan nila mula sa M2 at M3 champions na nagsalpukan hanggang Game 3, kung saan nanaig ang Blacklist, 2-1.

Bida sa dalawang panalong itinala ng koponan ng Tier One si Danerie “Wise” Del Rosario na hinawakan ang paborito niyang Yi Sun Shin sa game 1 at Aldous naman sa Game 3.

Lapnos sa YSS at Aldous ng jungler ang BREN na nagtala ng magkasunod na 4/0/7 at 3/0/5 para tulungan ang reigning champions ng MPL na umangat sa upper bracket.

Napakitaan man ng dulas ng YSS ni Wise noong game 1 ay hindi nagpakita ng takot ang BREN na sinagasaan pabalik ang Blacklist sa Game 2 na nagtapos lamang sa loob ng 13 minuto.

Screenshot ni Calvin Trilles/ONE Esports PH

Swabeng Paquito plays ang inilabas ni Kenneth “Saxa” Fedelin na naglista ng 7/1/2 KDA habang si Angelo “Pheww” Arcangel naman ay epektibong nag-poke sa BLCK para itala ang 2/1/7 record.

Bababa sa lower bracket ang BREN Esports at kahaharapin ang El Granador.

Heto na ang hitsura ng bracket matapos ang Day 1 ng SIBOL 2022 MLBB National Team Selection.

Screenshot ni Calvin Trilles/ONE Esports PH

Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa SIBOL 2022 MLBB tryouts sa pamamagitan ng pagsubaybay sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: SIBOL MLBB phase 2 qualifier: Schedule, teams, scores, at saan mapapanood