Matagumpay na naprotektahan ng Blacklist International ang korona nito sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL) Philippines Season 8 matapos durugin ang Onic Philippines, 4-1, sa mainit na Grand Finals.

Ang Blacklist ang pangawalang koponan na nakakuha ng dalawang kampeonato sa kasaysayan ng pinakamalaking mobile esports league sa bansa sunod sa Sunsparks na naging back-to-back champion din noong Season 4 at 5.

Dahil sa muling pagselyo ng titulo sa MPL Philippines, irerepresenta ng pambato ng Tier One Entertainment ang Pilipinas sa gaganapin na M3 World Championship.


Back-to-back championship ng Blacklist International senyales na dapat irespeto ang koponan, sabi ni coach BON CHAN

BON CHAN sa post-championship match interview
Credit: MPL Philippines

Labis ang saya at emosyon ni Blacklist International head coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza matapos nilang masungkit ang inaasam na pangalawang sunod na kampeonato sa MPL PH.

Napatunayan ng mga bata ni BON CHAN na hindi lang basta tsamba ang pagkuha nila sa trono noong Season 7 kaya naman pinagdiinan niya na karapat-dapat irespeto ang kanyang koponan.

“Sobrang napaka-importante ng championship na ‘to kasi nahihirapan kaming kunin ‘yung respect na deserve ng mga players ko, ‘yung respect na deserve namin,” ani ni BON CHAN sa interview matapos ang finals.

Napaka-dominante ng kampanya ng Blacklist sa nakaraang season pero marami pa rin ang duda sa kanilang lakas matapos ang pagkatalo nila sa kamay ng Execration (ngayon ay Smart Omega) sa MSC 2021.

Ngunit matindi ang naging pagbawi nila Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at kanyang mga kakampi sa MPL PH Season 8 kung saan nakapagtala sila ng 13-1 record sa regular season.

Bagamat natalo sa karibal na Omega sa upper bracket first round na wala si Kiel “OHEB” Soriano, gigil na bumawi ang Blacklist sa lower bracket nang walisin nito ang Nexplay EVOS, 3-0, sa pagbabalik ng kanilang gold laner.

Credit: Blacklist International

Kasama na ulit si OHEB sa kanilang rematch, pinatumba ng Blacklist ang Omega sa lower bracket finals, 3-1, talunin ang Onic sa Grand Finals para masunggaban ang kanilang pangalawang korona.

“Ito na ‘yun. Ito na ‘yung senyales na ‘please ibigay niyo na sa’min ‘yung deserve namin na respect,'” dagdag ni BON CHAN.

Parehas ang saloobin ni Blacklist analyst at dating player na si Dexter “DEX STAR” Alaba na sinabing karapat-dapat na maghari (o magreyna) muli ang koponan sa liga.

“Dati iniisip nila na ‘di naman kami contender. Ngayon halos lahat ng team nakatingin na sa’min. Tapos sabi tsamba lang daw ‘yung last season. Edi ngayon na-prove ng team na deserve talaga (mag-champion).”