Naglabas ng opisyal na pahayag ang SIBOL ukol sa insidenteng nangyari noong laban ng Nexplay EVOS at Blacklist International kahapon, ika-28 ng Enero, sa ikalawang phase ng Mobile Legends: Bang Bang national team selection para sa 31st Southeast Asian Games.

Na-delay kasi ng halos isang oras ang laban ng dalawang koponan na nakatakda sanang iraos sa ganap na ika-11 ng umaga. Ito ay dahil kinailangang isugod sa ospital si John Paul “H2wo” Salonga, ang jungler ng NXPE, dahil sa ‘severe stomach condition’.


Ang hatol ng SIBOL sa NXPE vs BLCK delay

SIBOL nilinaw ang nangyari ukol sa NXPE vs BLCK delay
Credit: SIBOL

Ayon sa SIBOL, disqualification ang nararapat na parusa kung hindi makukumpleto ng isang koponan ang kani-kanilang mga miyembro sa loob ng 15 minuto pagkasimula ng nakatakdang oras ng laban.

Pero dahil kalusugan ng manlalaro ang dahilan ng delay, pinili nilang ibaba ang parusang naaayon sa kanilang rulebook kaya’t pinatawan na lang ng one game penalty ang NXPE, imbis na i-disqualfiy.

Bago humantong sa nasabing desisyon, inamin din ng organisasyon na nagkaroon ng ‘overload of communication’ dahil kinailangang makipag-coordinate ng kanilang league ops sa NXPE tungkol sa kalagayan ni H2wo, habang ipinapaalam sa BLCK, at maging sa kanilang management, ang naturang sitwasyon.


SIBOL, humingi ng paumanhin dahil sa ‘delay of communication

SIBOL nilinaw ang nangyari ukol sa NXPE vs BLCK delay
Credit: SIBOL

Inako naman ng SIBOL ang kanilang pagkukulang sa NXPE vs BLCK delay. Anila, hindi agad naipalam sa parehong partido ang nasabing parusa dahil sa ‘delay of communication’.

“Unfortunately, due to the delay of communication, the ruling was relayed to NXPE and BLCK just as they were about to begin their rescheduled match at around 11:48 GMT+8. This understandably caused a lot of confusion and disappointment to all the parties involved and for that, we sincerely apologized,” sulat nito.

(Sa kasamaang palad, dahil sa delay sa communication, ang desisyon ay napa-abot sa NXPE at BLCK ilang sandali bago nila simulang na na-reschedule na laban bandang 11:49 GMT +8. Nauunawan naming nadulot ito ng pagkalito at pagkadismaya sa lahat ng partido at humihingi kami ng paumanhin dahil dito.)

Nangako rin ang SIBOL na klaruhin pa ang kanilang polisiya para hindi na maulit ang pangyayari at mapanatili ang kanilang values ukol sa fairness at sportsmanship.

Ang SIBOL MLBB national team selection ay organized ng Philippine Esports Organization, o PeSO. Mababasa ang kanilang kumpletong pahayag dito.


Credit: SIBOL

Nauwi naman sa 3-0 tagumpay ng BLCK ang naturang serye kontra NXPE. Umabante sa upper bracket finals ang kampeon ng M3 World Championship para harapin ang RSG Philippines, habang bumaba naman sa lower bracket ang koponan nina H2wo.

Magpapatuloy hanggang sa Linggo, ika-30 ng Enero, ang MLBB phase 2 qualifier at ito ay mapapanood sa opisyal na Facebook page ng SIBOL.

Para naman manatiling updated sa mga balita at pangyayari tungkol sa SIBOL 2022 National Team Selection, i-like at i-follow ang Facebook page ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: SIBOL 2022 MLBB National Team Selection Day 2: Blacklist, RSG umarangkada sa upper bracket finals