Mabilis na winalis ng Blacklist International ang Nexplay EVOS habang ginulat naman ng RSG Philippines ang Onic PH upang makausad sa upper bracket finals ng SIBOL 2022 Mobile Legends: Bang Bang National Team Selection.

Samantala, nanatiling buhay ang kampanya ng Bren Esports at Smart Omega para sa tsansang i-representa ang Pilipinas sa 31st Southeast Asian Games at iba pang international events matapos nilang patalsikin ang El Ganador Esports at Origen Esports sa unang round ng lower bracket.


Ang mga resulta sa SIBOL 2022 MLBB National Team Selection Day 2

Blacklist winalis ang NXP EVOS, 3-0

Wagi ang Blacklist International sa SIBOL 2022 MLBB National Team Selection Day 2
Credit: Blacklist International

Agad na nakakuha ng 1-0 kalamangan ang Blacklist International sa serye dahil sa technical delay na kinaharap ng Nexplay EVOS. Ito’y matapos isugod sa ospital si NXP EVOS jungler John Paul “H2wo” Salonga dahil umano sa stomach pain.

Madaling dinispatya ng mga bata ni Aniel “Master The Basics” Jiandani, na tumatayong coach ng SIBOL tryouts squad ng Blacklist, ang sa Game 2 sa likod ng Phoveus ni Kyle “Dominic” Soto.

Tumikada si Dominic ng 6/2/1 kill-death-assist record at walang takot nag-i-initiate ng mga team fight gamit ang Demonic Force ultimate upang pangunahan 16-4 win sa loob ng 11 minuto.

Credit: SIBOL
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Bagamat nakabalik si H2wo (Ling) sa Game 3, hindi bumitaw ang Blacklist sa momentum nito at tuluyang sinara ang match sa pamamagitan ng 12-minute, 15-4 victory kung saan bumida ang Brody ni Howard “Owl” Gonzales (5/2/6) at Aldous ni Danerie James “Wise” Del Rosario (4/0/1).

Umabante ang M3 world champion team sa upper bracket semis kung saan haharapin nila ang panalo sa pagitan ng Onic Philippines at RSG Philippines. Samantala bumagsak naman ang NXP sa lower bracket at kakalabanin nila ang Smart Omega.


RSG nilista ang 3-1 upset victory kontra Onic PH

Credit: Brian “Panda” Lim

Bagamat itinuring na dehado sa tapatang ito, pinatunayan ng RSG Philippines na kaya nilang makipagsabayan at pataubin pa nga ang M3 grand finalist na Onic PH.

Pagkatapos kapusin sa Game 1, agad na bumawi ang koponan ni SEA Games 2019 gold medal-winning coach Brian “Panda” Lim at dinomina ang Onic sa Game 2 kung saan nanguna si Arvie “Aqua” Antonio sa kanyang Kagura (4/0/5).

Nanatiling matinik ang galawan ni Aqua sa Game 3 gamit namang Lylia (1-0-7) para sindihan ang 12-1 na pandudurog sa MPL Philippines Season 8 runner-up sa loob lamang ng 12 minuto.

Credit: SIBOL
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Tangan ang nagbabagang momentum papasok sa Game 4, siniguro na ng RSG na hindi na makakapwersa pa ang Onic ng decider sa pamamagitan ng 16-6 win sa loob ng 13 minuto kung saan pumutok ang Bane ni Jonard “Demonkite” Caranto (6/0/5) at Ruby ni SEA Games gold medalist Kenneth Jiane “Kenji” Villa (2/0/7).

Babanggain ng RSG PH ang Blacklist Interational sa upper bracket finals habang ang Onic PH ay nalaglag sa lower bracket kung saan makakasagupa nila ang Bren Esports.


Bren nakaligtas laban sa El Ganador, 2-1

Credit: BREN Esports

Hindi inasahan ng mga miron ang panimula ng serye dahil na-upset ng amateur team na El Ganador Esports ang M2 world champion Bren Esports na kinabibilangan ni SEAG gold medalist Angelo “Pheww” Arcangel.

Nakalamang pa nga ang Bren sa early game ng unang laro ngunit tila nagpakampante ang koponan at dito na sila pinarusahan ng El Ganador para masunggaban ang 1-0 series lead.

Bumawi naman ang grupo ni coach Francis “Duckey” Glindro sa Game 2 upang maipwersa ang do-or-die game. Nagpasiklab ang Brody ni Kevzuunomoto (8/0/6) at tank Ruby ni Vincent “Joy Boy” De Guzman (1/0/15) sa 19-6 dominasyon na tumagal nang 15 minuto.

Dikit ang naging bakbakan sa win-or-go home Game 3 ngunit nanaig ang karanasan at disiplina ng Bren pagdating sa late game. Isang clutch Enhanced Lord steal ang ginawa ni Kenneth “Saxa” Fedelin sa Aamon (6/0/3) gamit ang Endless Shard ulti plus Retribution combo bago tapusin ng koponan ang laban sa loob ng 22 minuto.

Credit: SIBOL
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Nakausad ang Bren Esports sa lower bracket round 2 at kakalabanin nila ang Onic PH. Sa kabila naman ng magandang ipinakita nila, laglag na ang El Ganador Esports sa SIBOL MLBB tryouts.


“Kings of late game” Smart Omega pinatalsik ang Origen, 2-0

Credit: Smart Omega

Pinakita ng Smart Omega kung bakit sila ang tinaguriang “kings of late game” sa kanilang 2-0 sweep kontra sa amateur squad na Origen Esports.

Napipisil nang makuha ng Origen ang Game 1 matapos nilang makapagpundar ng 7K gold lead at ma-secure ang unang Lord ngunit tila nagpabaya sila at isa-isang napitas ng Omega sa bandang 11-minute mark.

Dito na nagsimula ang comeback ng Omega at tuluyan nilang kinumpleto ito para sa 15-8 panalo sa loob ng 14 minuto kung saan kuminang ang Aulus ni Dean “Raizen” Sumagui (7/1/3).

Tila replay lang ang naganap sa Game 2 dahil pabor na pabor na ang laro para sa Origen nang makabitaw si CHOKO (Ling) ng magandang Tempest of Blades para mapitas nila sina Joshua “Ch4knu” Mangilog (Estes) at Raizen (Yi Sun-Shin) sabay kuha ng Luminous Lord sa 13-minute mark.

Credit: SIBOL
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Ngunit naging matibay ang depensa ng Omega at sa bandang 18-minute, napuksa nila si CHOKO na nagtangkang agawin ang Enhanced Lord. Matapos nito, agad na tinapos ng MSC 2021 champs ang laro upang maselyo ang panalo.

Tumungo ang Smart Omega sa lower bracket round 2 kung saan makakasagupa nila ang Nexplay EVOS. Kagaya ng sinapit ng kapwa amateur team na El Ganador Esports, nagpaalam na rin sa SIBOL qualifiers ang Origen Esports.


Sa pagtatapos ng SIBOL 2022 MLBB National Team Selection Day 2, anim na koponan mula sa MPL Philippines ang natira para paglabanan ang karapatan na ibandera ang Pilipinas sa SEA Games at iba pang torneo.

Subaybayan ang mga kaganapan sa SIBOL 2022 MLBB National Team Selection sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.