Pinagbidahan ni captain-roamer Ben “Benthings” Maglaque ang pagdungis ng TNC Pro Team sa kartada ng RSG PH sa pamamagitan ng isang matamis na 2-0 sweep sa unang onsite match ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9.

Walang kakaba-kaba si TNC Benthings sa kanyang kauna-unahang pagsalang sa MPL PH stage sa ilalim ng offline setup para pangunahan ang pagbangon ng Phoenix Army mula sa 1-2 pagkatalo sa kamay ng ECHO noong nakaraang linggo.


Hindi kinabahan si TNC Benthings sa kanyang MPL PH onsite debut

TNC Benthings
Credit: TNC Pro Team

Ang TNC vs RSG ang unang serye sa inabangang pagbabalik ng MPL Philippines sa isang onsite o offline setup na huling naganap noong Season 5 o bago sumipa ang COVID-19 pandemic.

Pero hindi problema para kay TNC Benthings ang makaharap nang live sa isang stage ang kanilang kalaban.

“Hindi po kasi pangarap ko ‘to kaya sobrang saya lang po,” ang mabilis na sagot ng 26-year-old pro nang tanungin sa post-match interview kung kinabahan ba siya sa kanyang MPL PH onsite debut.

“Fineel po namin ‘yung paligid para ‘di po kami ma-pressure,” dagdag pa niya.

Masaya rin ang pride ng Bataan sa pagtalo niya sa kanyang dating kapalitan sa role na si Dylan “Light” Catipon. Si Light ang dating starting roamer ng TNC bago ito lumipat sa RSG ngayon season.

At may humble message si TNC Benthings para kay Light kung magkita man sila o magkausap sa online chat: “Nice game. Lakas!”

Dalawang beses na hinirang na MVP ang captain-roamer ng TNC sa kanilang match kontra sa kapwa top team na RSG.

Gamit ang kanyang Chou sa back-and-forth Game 1, hinuli ni Benthings ang mahahalagang target gaya nila Eman “EMANN” Sangco (Beatrix) at Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto (Lancelot) upang maisara ng TNC ang laro sa loob ng 14 minuto.

Credit: MPL Philippines

Susi rin ang Franco ni TNC Benthings sa 14-minute victory sa Game 2 kung epektibo niyang nagulo si Demonkite (Lancelot) sa pamamagitan ng paghila ng buffs papalayo dito.

At sa kasagsagan ng kanilang crucial Lord take sa 12-minute mark, nahatak niya si Nathanael “Nathzzz” Estrologo (Uranus) sa tulong ng Falling Starmoon mula kay Mark “Kramm” Rusiana (Esmeralda) para mapatumba ito at pigilan ang pag-contest ng RSG.

Credit: MPL Philippines

Umakyat ang TNC sa No. 2 spot na may 10 points at 3-1 series win-loss record. Sunod nilang makakaharap ang ONIC PH sa Linggo.

Bumaba naman ang RSG PH sa No. 3 na may nine points mula sa 3-1 card at susubukan nilang makabawi kontra ECHO bukas sa ganap na ika-anim ng gabi.

Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istorya patungkol sa MPL Philippines.