Nagpasiklab agad ang TNC Pro Team sa pamamagitan ng paglista ng mabilis na 2-0 sweep kontra Omega Esports upang iselyo ang kanilang unang panalo sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 9, Biyernes ng gabi.

Bagamat binubuo ng ilang rookies, nagpamalas ang TNC ng solidong chemistry na ayon kay captain-roamer Ben “Benthings” Maglaque ay talagang pinagtrabahuhan nila para sa panibagong MPL PH season.


Benthings sinabing mas solido na ang chemistry ng TNC ngayong season

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Sa post-match interview, tinanong ni MPL host Mara Aquino kung ano ang pagkakaiba ng TNC Pro Team ngayong Season 9 kumpara sa Season 8 kung saan nangulelat sila sa liga.

“Lahat po kami iisang galaw na lang po kami. Team na po kami na solid gumalaw. ‘Di na po kami (puro) individual plays (lang). Nabawasan na po ‘yun,” sagot ni Benthings.

Dagdag pa niya, nagawa nilang makuha ang tamang timpla ng chemistry dahil “sa scrim pa lang po dinidisiplina na namin ‘yung team para pagdating sa MPL parang normal day na lang.”

Malaking patunay sa mas pinatibay na team play ng TNC ang pagwalis nila sa MPL powerhouse na Omega.

Bumida sa dominanteng 19-3 panalo sa 15-minute Game 1 ang asintadong Selena ni support Jomarie “Escalera” Delos Santos na makailang beses nakatama ng Abyssal Arrow at nagbigay ng vision gamit ang Abyssal Trap.

Credit: MPL Philippines

Bagamat mas pumalag ang Omega sa Game 2, ‘di hinayaan ni Benthings sa kanyang Chou na magkaroon pa ng isang series decider.

Sa isang Lord fight sa 17-minute mark, nahuli ni Benthings si Joshua “Ch4knu” Mangilog (Ruby) at sunod nang pinagbubura nila Escalera (Yve) at gold laner Robee Bryan “Yasuwo” Pormocille (Beatrix) ang mga kalaban.

Credit: MPL Philippines
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports PH

Rumekta na ang TNC sa base ng Omega para tapusin ang laro kung saan itinanghal na MVP ang Karina ni veteran jungler Daniel “SDzyz” Chu (dating kilala bilang Chuuu) na kumana ng perpektong 4-0-6 kill-death-assist record.


Para sa karagdagang balita, guides at features patungkol sa MPL Philippines at Mobile Legends: Bang Bang, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.