Itinanghal na Most Valuable Player ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League – Philippines Season 7 si Edward “Edward” Dapadap ng Blacklist International matapos tulungan ang kanyang kupunan nakawin ang kampyonato kontra Execration.

Susi ang pag-secure ni Edward sa turtle lane at pag-responde sa teamfights para kumpletuhin ang makabog-damdaming comeback ng Blacklist. Matindi ang ipinakita ng 17-anyos na pro sa kanyang maniobra ng Benedetta, Paquito at Uranus picks na nagtala ng 3.18 KDA average.

Sa bingit ng elimination, magilas na ibinaling ng Blacklist offlaner ang daloy ng laban tampok ang kanyang Benedetta sa 2 kills, 2 assists kontra 1 death. 

Dahil sa mabilis na clear lane potential at AOE damage na dala ng Bataeño, napilitan pa ngang i-deny ng Execration ang pick na ito sa huling laban ng serye. Dito naman isinalang ng MPL-PH S7 MVP ang kanyang Paquito na pumwersa sa EXE sa mga dehadong posisyon at tumulong na iselyo ang first championship ng kupunan.

Sa regular season pa man ay kinatatakutan na ang mabangis na turtle laner ng Blacklist. Sa katunayan, numero uno si Edward sa KDA sa mga offlaners kung saan nagtala sya ng 4.02 KDA average. Dahil sa mataas na impact na dala nya sa laro, malimit na isa sa mga keys of the game ng bawat makakaharap nila na balagbagin ang kanyang lane.

Gayunpaman, mabibilang sa kamay ang pagkakataong napupugo ang matikas na offlaner. 

Abangan si Edward at ang buong hukbo ng Blacklist International sa kanilang salpukan kontra sa top teams ng Southeast Asia sa darating na MSC 2021.