Hindi na bago sa pandinig ng MLBB fans ang pangalan ni Maxhill “Antimage” Leonardo. Sa katunayan, kinikilala siya bilang isa sa mga pinakamatikas na offlaners sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Indonesia (MPL ID).

Dekorado ang Indonesian superstar na naiuwi ang MPL ID Season 3, MSC 2019, at President’s Cup kampyonato kasama ang ONIC Esports ID. Pinakabago sa kaniyang estante ang MPL ID Season 7 tropeyo kasama naman ang EVOS Legends

Ngayong nakamit na niya ang halos lahat ng parangal sa kaniyang region, ipinahayag niya ang kagustuhang makisali sa balagbagan sa MPL-PH.

Si Antimage ba ng EVOS Legends ang magiging pinakaunang import sa Pinoy na liga?


Nagpahiwatig si EVOS Antimage ng interes sa paglalaro sa MPL PH

Credit: Nexplay Esports and EVOS Esports Facebook page

The EVOS Legends star also answered a question on his Instagram about his statement, saying that fans will have to wait for the news. “The price is fixed for red and white,” he wrote.

Matapos maging opisyal ang pagsasanib-pwersa ng Nexplay Esports at EVOS para buuin ang Nexplay EVOS, dali-daling ibinahagi ni Antimage ang balita sa kaniyang stream.

Ani ng star offlaner, interesado daw siyang maglaro para sa Nexplay EVOS kung magbubukas man ang oportunidad. “I want to see the Philippine meta and use that knowledge,” banggit niya sa kaniyang Nimo TV livestream.

Dagdag niya, gusto daw niyang kuhanin ang tiyansang ito bilang paghahanda na rin sa paparating na 31st Southeast Asian Games na gaganapin sa Vietnam.


Gaano kaposible ang paglalaro ni Antimage para sa Nexplay EVOS?

Kahit pa madaming nag-iisip na biro lamang ang pahayag ng Indonesian, hindi imposibleng maisakatuparan ito. 

Totoong makulay na ang karera ng offlaner sa Indonesia, subalit ibang lebel ng MLBB pro plays ang mararanasan niya kung tutungtong siya sa MPL PH na itinuturing na pinakamalakas na rehiyon ngayon sa buong mundo.

Matatandaang dominante ang mga Pinoy representatives sa katatapos lang na MSC 2021, kasama na ang M2 World Championship kamakailan kung saan Pinoy din ang nanaig. Sa anggulong ito, mas kaakit-akit para kay Antimage ang pagkakataong matuto mula sa mga PH teams.

Bukod dito, hindi problema ang paglipat ng offlaner ng EVOS Legends papuntang Pinas dahil sa nabanggit na partnership ng Nexplay at EVOS. Sa madaling salita, magiging madulas ang transition na ito kung mamarapatin ni Antimage at ng kaniyang management.